BOC posibleng ipa-auction ang 13 luxury cars ng pamilyang Discaya
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-01 21:34:24
MANILA — Posibleng isailalim sa public auction ng Bureau of Customs (BOC) ang 13 luxury vehicles na pagmamay-ari ng pamilyang Discaya matapos matukoy ang umano’y paglabag sa batas kaugnay ng pag-angkat ng mga sasakyan.
Ayon sa BOC, 12 sa mga naturang sasakyan ang nakuha na ng ahensya sa pamamagitan ng search warrant na inilabas ng Regional Trial Court ng Maynila, Branch 18. Kabilang dito ang Rolls-Royce Cullinan, Bentley Bentayga, Mercedes-Benz G-500, Mercedes AMG G63, Toyota Tundra, Toyota Sequoia, Cadillac Escalade, GMC Yukon Denali, at Lincoln Navigator. Nadagdag din sa listahan ang isang Toyota Land Cruiser 300 ZX 2024 at Maserati Levante Modena 2022.
Naglabas na rin ng Warrants of Seizure and Detention (WSDs) ang BOC laban sa 13 sasakyan, na nagsisilbing hakbang patungo sa pormal na pagkakakumpiska at posibleng pagbebenta sa pamamagitan ng auction.
Batay sa imbestigasyon, walo sa mga sasakyan ay itinuturing na smuggled matapos matuklasang walang kaukulang entry sa customs. Pitong iba pa naman ang iniimbestigahan ng Post-Clearance Audit Group dahil umano sa kakulangan sa bayad na buwis at kawalan ng wastong Certificates of Payment.
Sinabi ng BOC na ang ilang sasakyan ay nakuha pa sa mga repair shop at kusang isusuko ng mga may-ari sa ahensya.
Kapag tuluyang mapatunayang may paglabag, maaaring ibenta ang mga naturang luxury cars sa publiko sa pamamagitan ng auction. Samantala, inaasahang kokontra at maghahain ng legal na hakbang ang pamilya Discaya upang igiit ang kanilang pagmamay-ari at legal na pag-angkat ng mga sasakyan.
Bukod sa isyu ng mga luxury vehicles, kasalukuyan ding iniimbestigahan ang pamilyang Discaya dahil sa pagkakasangkot umano sa iregularidad sa malalaking flood control projects ng pamahalaan.