Kiko Pangilinan, tutol sa ‘house arrest’ ni dating Pangulong Duterte
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-01 23:43:25.jpg)
MANILA — Tahasang tinutulan ni Senator Kiko Pangilinan ang Senate Resolution No. 144 na nananawagan sa International Criminal Court (ICC) na payagan ang house arrest ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil umano sa “humanitarian grounds.”
Sa kanyang pahayag noong Oktubre 1, 2025, binigyang-diin ng senador ang bigat ng kasong kinakaharap ni Duterte kaugnay ng kontrobersyal na war on drugs na nagresulta sa libo-libong nasawi at mga pamilyang hanggang ngayon ay patuloy na nananawagan ng hustisya.
“Libo-libo ang pinatay. Libo-libo pa ang nawalan ng ama, ng ina, ng anak na ang hiling ay hustisya,” ani Pangilinan.
Bilang Chairperson ng Senate Committee on Justice and Human Rights, iginiit niya na tungkulin niyang manindigan para sa mga biktima at kanilang pamilya. “Tungkulin kong pumanig sa mga daing ng naghahanap ng hustisya,” dagdag pa niya.
Sa botohan, malinaw na bumoto ng “no” si Pangilinan laban sa resolusyon. Ang panukala ay layong magbigay ng house arrest kay Duterte, na kasalukuyang nakadetine sa The Hague, Netherlands, upang harapin ang kasong crimes against humanity na inihain laban sa kanya ng ICC.
Naniniwala si Pangilinan na ang pagpayag sa house arrest ay maaaring magpadala ng maling mensahe na hindi pantay ang batas, at na ang makapangyarihan ay maaaring makalusot sa pananagutan.
Samantala, patuloy ang pagdinig sa ICC sa mga ebidensya at testimonya laban sa dating pangulo. Nananatiling mainit na usapin ang accountability ng pamahalaan sa nakaraang administrasyon, habang muling lumalakas ang panawagan para sa katarungan at pananagutan para sa libo-libong biktima ng kampanya kontra droga. (Larawan: Kiko Pangilinan / Facebok)