‘House Arrest Resolution’, political noise lang ayon kay Atty. Kristina Conti
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-01 23:50:35
MANILA — Mariing pinuna ni Atty. Kristina Conti, tagapagsalita ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), ang Senate Resolution No. 144 na humihiling sa International Criminal Court (ICC) na ilagay sa house arrest si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil umano sa “humanitarian considerations.”
Giit ni Conti, walang direktang papel ang Senado sa proseso ng ICC, at malinaw na ang korte ay tanging matibay na ebidensya at legal na batayan lamang ang isasaalang-alang sa kanilang desisyon. Binanggit din niya ang dalawang kahilingan ni Duterte—ang adjournment dahil sa umano’y cognitive impairments, at ang pansamantalang paglaya dahil sa edad at karamdaman.
“The Senate as an institution is not in any way involved in the ICC process, and it is unclear how the resolution will be communicated to the international court… The resolution will be mere political noise,” ani Conti.
Dagdag pa ng abogada, posibleng magmukhang self-serving ang resolusyon dahil isa sa mga nagsusulong nito ay kabilang umano sa iniimbestigahan ng ICC Prosecutor bilang “co-perpetrator” sa crimes against humanity kaugnay ng war on drugs.
Binalaan din niya na maaari pang mag-backfire ang hakbang ng Senado kung ito’y ituring ng ICC bilang panghihimasok at pagtatangkang pahinain ang pagiging independent ng korte—katulad ng mga naging kilos ng ilang bansa gaya ng Estados Unidos.
Ani Conti, makikita rin ng ICC na nananatiling malakas ang impluwensya ng pamilya Duterte, hindi lamang sa Davao kundi maging sa pambansang politika. Dahil dito, inaasahang tututulan ng mga biktima at ng prosekusyon ang posibleng pagbabalik sa bansa ng dating pangulo.
Sa kasalukuyan, nananatili si Duterte sa detention facility ng ICC sa The Hague, Netherlands habang patuloy ang paglilitis sa kasong crimes against humanity na kaugnay ng kanyang madugong kampanya kontra droga. (Larawan: Kristina Conti / Facebook)