‘Why is Malacañang speaking on behalf of the former Speaker of the House?’— Karen Davila binanatan ang Malacañang
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-02 00:13:03
MANILA — Matapang na nagpahayag ng kanyang saloobin si veteran broadcaster Karen Davila matapos maglabas ng pahayag ang Malacañang na tila nagtatanggol kay dating House Speaker Martin Romualdez sa gitna ng mga batikos ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Davila, malinaw na lumalampas sa mandato ng Presidential Communications Office (PCO) ang ginawa nitong pagtatanggol sa mambabatas. Iginiit niya na dapat limitado lamang ang tungkulin ng PCO sa paglalabas ng posisyon ng Pangulo at hindi bilang tagapagsalita ng ibang opisyal ng gobyerno.
“Why is Malacañang speaking on behalf of the former Speaker of the House? He can very well defend himself. Ang trabaho ng Presidential Communications Office ay magsalita para sa Pangulo,” ani Davila sa kanyang pahayag.
Dagdag pa niya, hindi na bago ang matitinding bangayan sa pagitan ng mga Duterte at ni Romualdez, lalo na’t matagal nang pinag-uusapan ang umuusbong na tensyon sa hanay ng administrasyon. Para kay Davila, mas lalong nagiging kumplikado ang isyu kung mismong Malacañang ay papasok upang ipagtanggol ang isang opisyal na hindi naman bahagi ng ehekutibong sangay.
Samantala, hindi pa nagbibigay ng tugon si Romualdez hinggil sa pinakahuling patutsada laban sa kanya, habang nananatiling mainit ang palitan ng pahayag sa pagitan ng kampo ng Bise Presidente at ng kanyang mga kritiko.
Dahil dito, muling nabuksan ang usapin tungkol sa papel ng komunikasyon ng Malacañang at kung hanggang saan lamang dapat ang saklaw nito—isang diskusyon na tiyak na patuloy na pagmumulan ng debate sa larangan ng pulitika at media. (Larawan: UN Women / Google)