San Pedro LGU, ipapatupad ang ‘zero balance billing policy’ sa San Pedro Jose L. Amante Emergency Hospital
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-01 22:39:58
SAN PEDRO CITY — Isa na namang malaking hakbang tungo sa mas abot-kayang serbisyong medikal ang inilunsad ng lokal na pamahalaan ng San Pedro, Laguna matapos ipatupad ang Zero Balance Billing Policy sa San Pedro Jose L. Amante Emergency Hospital (SPJLAEH).
Batay sa Executive Order No. 35, Series of 2025, tiniyak ng pamahalaang lungsod na wala nang dapat alalahanin na dagdag gastos ang mga kwalipikadong pasyenteng naka-PhilHealth mula sa oras ng admission hanggang sa kanilang paglabas ng ospital. Ang polisiya ay naglalayong alisin ang bigat sa bulsa ng mga San Pedronian at tiyaking walang maiiwan pagdating sa serbisyong pangkalusugan.
Ayon sa pamunuan, ito ay bahagi ng mas malawak na programa upang gawing mas accessible at equitable ang health care para sa lahat ng mamamayan ng San Pedro, lalo na sa mga kapus-palad. Sa pamamagitan ng Zero Balance Billing, hindi na hadlang ang kakulangan sa pera para sa mga nangangailangan ng agarang atensyong medikal.
Dagdag pa ng lokal na pamahalaan, mananatiling prayoridad ang pagpapalakas ng mga ospital at health facilities upang masigurong maayos ang serbisyo at hindi maaantala ang pangangailangan ng publiko.
“Patuloy tayong magtulungan para sa isang mas malusog at maunlad na San Pedro,” diin ng pamahalaan, sabay panawagan ng suporta mula sa bawat mamamayan upang mapanatili at mapaigting ang inisyatibang ito.
Ang hakbang na ito ay nagbigay ng panibagong pag-asa sa mga residente, at inaasahang magsisilbing modelo para sa iba pang LGU sa bansa. (Larawan: Art Mercado / Facebook)