3 Mag-aaral, Sugatan at Isa Patay sa Aksidente ng Motorsiklo sa Pagadian City
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-08-02 12:42:44
Pagadian City – Isang malagim na aksidente ang naganap bandang 4:30 ng hapon nitong Agosto 1, 2025 sa Purok Sili 3, Barangay Balintawak, Pagadian City kung saan nasangkot ang tatlong estudyanteng sakay ng isang motorsiklo.
Ayon sa ulat, nawalan umano ng preno ang sinasakyang motorsiklo ng mga biktima at diretso itong sumalpok sa isang bahay na pagmamay-ari ni Ginang Jona Sadrino. Sa lakas ng banggaan, tuluyang tumilapon ang mga sakay ng motorsiklo at nagtamo ng malulubhang pinsala.
Kinilala ang driver ng motorsiklo na si Stanley Abria, na nagtamo lamang ng minor injuries. Kasama niyang sakay sa motor sina Tiffany Saipudin at Jonalyn Aliva, kapwa Grade 11 students ng isang pampublikong paaralan sa lungsod – ang Pagadian City National High School.
Ayon sa mga saksi, tila nawalan ng kontrol si Abria sa pagmamaneho habang binabaybay ang pababang bahagi ng kalsada sa Palpalan area. Napag-alamang tinangka nitong preno-hin ang sasakyan, ngunit hindi na nito napigil pa at tuluyang sumalpok sa naturang tahanan.
Sa kasalukuyan, patuloy pa ring nilalabanan sa ospital ang buhay nina Saipudin at Aliva, habang kinukumpirma ng mga awtoridad kung sino ang agad na binawian ng buhay sa insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay ng aksidente upang matukoy kung may pananagutan si Abria sa insidente.
Ang komunidad ng paaralan at mga kaanak ng mga biktima ay nananawagan ng panalangin at suporta para sa mabilis na paggaling ng mga nasugatan.