Diskurso PH
Translate the website into your language:

Isang patay, anim sugatan sa pagguho ng lupa sa Benguet dahil sa Super Typhoon Nando

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-22 23:09:15 Isang patay, anim sugatan sa pagguho ng lupa sa Benguet dahil sa Super Typhoon Nando

BENGUET Isang trahedya ang naganap nitong Lunes, Setyembre 22, matapos gumuho ang lupa at malalaking bato sa Marcos Highway, Sitio Begis, Barangay Poblacion, sa kasagsagan ng pananalasa ng Super Typhoon Nando (RAGASA).

Ayon sa inisyal na ulat ng mga awtoridad, isang senior citizen ang nasawi matapos direktang matabunan ng gumuhong lupa at bato pasado alas-dose ng tanghali. Anim na iba pa mula sa Baguio City at Tarlac ang naiulat na sugatan at agad na dinala sa mga ospital para malapatan ng lunas.

Tinamaan ng landslide ang apat na sasakyan, kabilang na ang isang tanker at SUV na minamaneho ng nasawing biktima. Makikita sa mga larawan mula sa lugar na parang “pinitpit na lata” ang mga sasakyan dahil sa bigat ng gumuhong lupa at bato.

Patuloy pa ring isinasagawa ng mga otoridad ang imbestigasyon at pagkakakilanlan ng mga biktima. Samantala, pinaalalahanan ng lokal na pamahalaan ang mga residente at motorista na magdoble-ingat at iwasan muna ang mga lansangang kilalang landslide-prone dahil sa tuloy-tuloy na malakas na ulan na dala ng bagyo.

Ang Benguet at karatig-lugar ay kabilang pa rin sa mga nasa ilalim ng matinding babala ng PAGASA bunsod ng Super Typhoon Nando. (Larawan: Facebook)