Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mga nanggulo sa rally, binayaran?

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-22 23:36:34 Mga nanggulo sa rally, binayaran?

MANILA — Kinumpirma ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno na iniimbestigahan na ang mga umano’y nagpondo sa kaguluhan sa Recto Avenue nitong Linggo ng gabi, matapos ang serye ng anti-corruption rallies sa Maynila.

Sa isang ambush interview nitong Lunes, Setyembre 22, sinabi ni Moreno na may mga paunang ulat hinggil sa mga taong nasa likod ng mga nanggulo.

“Merong mga initial report, sketchy pa, may dating politiko, Filipino-Chinese ang funder, tapos may isang abogado, funder din, nung mga bata na iyon [nanggulo] kagabi,” pahayag ng alkalde.

Batay sa tala ng Manila Police District (MPD), umabot na sa 216 ang naaresto matapos ang pambabato, paninira ng mga ari-arian, at pagsusunog ng gulong. Naitala rin ang halos 100 pulis na nasugatan, kabilang ang isa na muntik nang ikritikal ngunit ngayon ay ligtas na.

Giit ni Moreno, hindi kabilang sa kaguluhan ang mga nagmartsa nang mapayapa mula umaga hanggang hapon.

“Legitimate protesters ‘yung mga sumama sa umaga, tanghali, at hapon. Pero iba na ‘yung dumating sa gabi—mga mobsters, rioters na ang tawag diyan,” paglilinaw niya sa panayam ng GTV News Balitanghali.

Dagdag pa niya, ang mga naaresto ay galing sa iba’t ibang lungsod kabilang ang Taguig, Pasay, Parañaque, Caloocan, at Quezon City.

Hinimok ni Moreno ang mga magulang ng mga kabataang naaresto na hikayatin silang isiwalat kung sino ang mga nagpondo sa kaguluhan.

“Kausapin ninyo ang mga anak ninyo para ituro kung sino ang mga nagpondo sa kanilang panggugulo kaysa sila lang ang madiin sa kanilang ginawa,” aniya.

(Larawan: Isko Domagoso Moreno / Fb)