Pamahalaang panlalawigan ng Albay, maglalaan ng ₱6.5-milyon para sa rehabilitasyon ng tanyag na Lignón Hill
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-23 00:41:25.jpg)
LEGAZPI CITY — Inihayag ni Albay Governor Noel Rosal nitong Lunes, Setyembre 22, na maglalaan ang pamahalaang panlalawigan ng ₱6.5 milyon para sa rehabilitasyon ng Lignón Hill, isa sa pinakatanyag na pasyalan at tanawin sa Legazpi.
Sa isang media briefing sa Governor’s Conference Room, sinabi ni Rosal na gagamitin ang pondo para pinturahan muli ang mga pasilidad sa lugar at maglagay ng bagong ilaw upang mas maging ligtas at kaaya-aya para sa mga turista at lokal na bisita.
Dagdag pa ng gobernador, nakalatag na ang program of work at kasalukuyan nang ipinatutupad ang mga unang hakbang para sa proyekto.
Ang Lignón Hill ay kilala sa malawak na tanawin ng Bulkang Mayon, Albay Gulf, Daraga River, at ng buong Legazpi City. Gayunman, nitong mga nakaraang taon ay hindi ito nabigyan ng sapat na maintenance, dahilan upang pansamantalang isara ang mga pasilidad nito.
Sa kasalukuyan, bukas pa rin sa publiko ang lugar ngunit limitado lamang sa paglalakad at jogging, habang nananatiling sarado ang iba pang pasilidad.
Mahalaga ang Lignón Hill hindi lang bilang tourist spot kundi bilang bahagi ng pagkakakilanlan sa Albay. Kaya mainam kung maibabalik ang ganda at kalinisan nito.
(Larawan: Gov. Noel Rosal / Fb)