AFP, magsasagawa ng live ‘Balikatan Exercise’ sa Legazpi City sa Setyembre 25
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-23 00:17:15
LEGAZPI CITY — Nakatakdang magsagawa ang Armed Forces of the Philippines – Philippine Air Force Region V (AFP-PAF) ng interoperability exercise o live Balikatan exercise sa darating na Huwebes, Setyembre 25, 2025, sa Barangay San Francisco, Legazpi City.
Sa anunsyo ng militar, kabilang sa mga aktibidad ang live-firing, pagbobomba, at serye ng helicopter flying simulations na magaganap sa nasabing barangay at paligid ng siyudad. Layunin nitong ipakita ang lakas at kahandaan ng tropa sakaling magkaroon ng potensyal na banta o pag-atake.
Ayon sa AFP-PAF, mahalaga ang ganitong pagsasanay upang masanay ang mga sundalo sa totoong combat scenarios at matiyak ang mabilis na pagtugon kung sakaling sumiklab ang armadong sigalot, partikular na sa posibilidad ng tensyon laban sa China.
“Ito ay bahagi ng paghahanda at pagpapakita ng kakayahan ng ating sandatahang lakas. Nais naming iparating sa publiko na handa ang AFP na ipagtanggol ang bansa laban sa anumang banta,” saad ng militar.
Samantala, pinaalalahanan ng pamunuan ang mga residente ng Legazpi City na huwag mabahala sa malalakas na putok at paglipad ng mga helicopter sa nasabing petsa dahil ito’y bahagi lamang ng simulation exercise. (Larawan: Exercise Balikatan / Fb)