Ligao LGU, nagbabala sa posibleng pagguho ng Nasisi Dam
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-23 00:54:54.jpg)
LIGAO CITY, ALBAY — Nagpahayag ng pangamba ang lokal na pamahalaan ng Ligao hinggil sa posibilidad ng pagguho ng Nasisi Dam, na maaaring magdulot ng panganib sa daan-daang ektaryang palayan sa lungsod at karatig-bayan.
Sa isang panayam ng DZGB News nitong Lunes, Setyembre 22, sinabi ni City Councilor Ted Residillia na kung tuluyang gumuho ang dam, maaaring tangayin ng mga debris mula sa itaas ang halos 643 ektarya ng sakahan sa Ligao at sa kalapit na bayan ng Oas, Albay.
Dagdag pa niya, nagsisimula nang bumigay ang downstream apron ng dam, bagay na nagpapataas ng posibilidad ng isang malaking insidente.
Samantala, sinabi naman ni Engr. Mark Cloyd So, pansamantalang manager ng National Irrigation Administration (NIA) Albay, na nasa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang hurisdiksyon ng naturang dam.
Gayunpaman, bilang hakbang sa pag-iingat, nakatakda ang NIA na maglagay ng sheet pile upang maiwasan ang posibleng pagbagsak ng dam.
“Kung hindi maagapan, malaki ang epekto nito hindi lang sa mga magsasaka kundi sa buong komunidad,” babala ni Residillia.
(Larawan: Facebook)