Diskurso PH
Translate the website into your language:

VP Sara, nakahanap na umano ng bansa na tatanggap sa dating Pangulong Rodrigo Duterte kapag natuloy ang interim release

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-22 23:27:03 VP Sara, nakahanap na umano ng bansa na tatanggap sa dating Pangulong Rodrigo Duterte kapag natuloy ang interim release

MANILA — Kinumpirma ni Vice President Sara Duterte na may isang bansa nang nagpaabot ng kahandaan na tumanggap kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sakaling matuloy ang hinihintay na interim release.

Ginawa ng Bise Presidente ang pahayag sa harap ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Nagoya, Japan noong Setyembre 21, 2025.

“Kailangan ko pa sila kausapin at kailangan ko pa sila paintindihin kung bakit kailangan namin—ng pamilya namin—ang tulong nila. Kaya medyo tumagal kami pero nakahanap din kami ng isang bansa na nagsabing tatanggapin namin siya,” ani Duterte.

Dagdag pa niya, naging hamon ang paghahanap ng bansang tatanggap kay Duterte dahil sa sensitibong sitwasyon at kakulangan ng taong mapagkakatiwalaan sa loob ng bansa.

“Medyo tumagal lang kami dahil nahirapan pa rin kami humanap ng isang bansa na tatanggap sa kanya. At dahil wala akong pinagkakatiwalaan sa Pilipinas noon na kausapin ko patungkol sa interim release, ang ginawa ko, kinausap ko yung mga nakilala ko sa ibang bansa dahil yun sa trabaho ko,” paliwanag pa niya.

Hindi naman binanggit ng Bise Presidente kung aling bansa ang tinutukoy, ngunit nilinaw niyang siya mismo ang personal na nakipag-usap upang ipaliwanag ang sitwasyon at humingi ng suporta.

Samantala, nananatiling palaisipan sa publiko kung aling bansa ang handang tumanggap kay Duterte, lalo na’t mainit pa rin ang usapin ukol sa kanyang kalagayan at posibleng pag-alis ng bansa. (Larawan: Inday Sara Duterte / Fb)