Mga palay na aanihin na sana, sinalanta ng Super Typhoon Nando sa Cagayan
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-22 22:58:40
CAGAYAN — Matinding pinsala ang idinulot ng Super Typhoon Nando (#RAGASA) sa mga magsasaka matapos padapain ng malakas na hangin ang mga tanim na palay na malapit na sanang anihin sa Brgy. Tucalana, Lal-lo, Cagayan ngayong Lunes, Setyembre 22, 2025.
Ayon sa mga residente, ilang buwan nilang pinaghirapan ang kanilang pananim at nakatakda na sanang anihin sa mga susunod na linggo. Ngunit dahil sa hagupit ng bagyo, halos wala nang maasahang ani ang mga magsasaka. Bukod sa malaking pagkalugi, nangangamba rin sila sa posibilidad ng kakulangan sa pagkain at dagdag pasanin sa kanilang kabuhayan.
Sa kasalukuyan, nananatiling nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 3 ang bayan ng Lal-lo batay sa pinakahuling abiso ng PAGASA. Patuloy ang pagbabantay ng lokal na pamahalaan at mga disaster response teams upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente, lalo na’t mataas din ang banta ng pagbaha at landslide sa probinsya.
Dagdag pa rito, nakikipag-ugnayan na ang ilang samahan ng magsasaka sa Department of Agriculture (DA) at lokal na pamahalaan upang humiling ng agarang tulong at suporta, lalo na sa pagbibigay ng seeds assistance at financial aid para makabangon mula sa matinding pinsala.
Sa gitna ng hagupit ng kalamidad, panawagan ng mga magsasaka ang mabilis na aksyon ng gobyerno upang hindi tuluyang malugmok ang kanilang kabuhayan.
(Larawan: CPIO / Fb)