Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Inciting to Sedition’: Malacañang, pinaiimbestigahan si Chavit Singson

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-23 00:06:53 ‘Inciting to Sedition’: Malacañang, pinaiimbestigahan si Chavit Singson

MANILA — Inatasan ng Malacañang nitong Lunes ang Department of Justice (DOJ) at ang Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng imbestigasyon laban kay dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson matapos umano nitong hikayatin ang mga estudyante na lumahok sa isang “rebolusyon laban sa korapsyon.”

Sa isang press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na nais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na papanagutin ang sinumang nag-udyok ng karahasan kaugnay ng mga rally nitong Linggo.

Ayon kay Castro, pinayuhan umano ni Singson ang mga kabataan na laktawan ang klase at hinikayat pa ang mga magulang na payagan ang kanilang mga anak na sumama sa kilos-protesta — mga pahayag na aniya ay dapat suriin kung may basehan upang maituring na inciting to sedition.

“Ito ay subject for scrutiny. Ang DOJ at PNP ang magsusuri kung may sapat na batayan para sa kaso,” ani Castro.

Ipinaliwanag pa ng Malacañang na ang inciting to sedition ay may kaparusahang hanggang anim na taon na pagkakakulong batay sa Revised Penal Code.

Dagdag pa ni Castro, makikipag-ugnayan din ang Palasyo sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at sa pulisya upang matiyak ang maayos na pag-usad ng imbestigasyon. (Larawan: Chavit Singson / Fb)