Barangay matcha? Bahang kulay-luntian, problemado pa rin ang mga residente sa Bay, Laguna
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-05 06:10:49
BAY, LAGUNA — Sa halip na gumaan ang sitwasyon matapos ang ilang araw na pagbuti ng panahon, nananatiling baha pa rin ang Purok 6 ng Barangay San Antonio sa Bay, Laguna — at ang mas nakakabigla, tila nagkulay matcha na ang tubig-baha.
Sa larawang ibinahagi ng netizen na si Katleya Tandang sa kanyang Facebook page, makikitang berde na ang kulay ng tubig na bumalot sa paligid ng kanilang komunidad. May halong biro man ang kanyang caption na “From matcha flavor to hot green tea: welcome to Isla Berde,” hindi maitago ang seryosong suliraning kinahaharap ng mga residente sa lugar.
Ayon sa mga ulat, halos dalawang linggo na mula nang magsimula ang walang patid na pag-ulan sa lalawigan ng Laguna. Bagamat tumigil na ang buhos ng ulan nitong mga nakaraang araw, patuloy pa rin ang pagbaha sa ilang bahagi ng bayan, dulot ng patuloy na pag-apaw ng tubig mula sa Laguna de Bay.
Hindi na biro para sa mga residente ang araw-araw na paglalakad sa madulas, mabaho, at ngayon ay berde nang baha. Ayon sa ilang magulang, nangangamba na silang magkasakit ang kanilang mga anak — lalo na’t hindi gumagalaw ang tubig at nagsisimula nang mag-ipon ng lumot, basura, at insekto.
“Pati yung mga bata, parang nagkaka-allergy na. Hindi namin alam kung anong sakit ang pwedeng makuha sa ganyang kulay ng tubig,” ayon sa isang ina na hindi na pinangalanan.
Panawagan ng mga residente ang mas agarang aksiyon mula sa lokal na pamahalaan upang matugunan ang kanilang kalagayan — mula sa malinis na tubig, tulong sa paglilinis ng lugar, at libreng gamot o check-up para sa mga batang posibleng tinamaan na ng sakit.
Samantala, tila nakahanap pa rin ng kaunting aliw ang ilan sa sitwasyon, sa pamamagitan ng pagbibigay ng bagong bansag sa kanilang lugar: “Barangay Matcha” o “Isla Berde.” Ngunit sa kabila ng nakakatawang bansag, isa itong paalala ng lumalalang epekto ng pagbabago ng klima, kakulangan sa drainage system, at kawalan ng agarang tugon sa mga komunidad na palaging binabaha.
Habang ang iba ay nagtatawanan sa social media, ang mga taga-Purok 6 ay patuloy na naglalakad sa tubig na kulay tsaa — na sa kabila ng katawatawa, ay may dalang pangamba at panganib sa kalusugan at kaligtasan.
(Source: OpinYon Laguna)
(Larawan: Katleya Tandang / Facebook)
