Diskurso PH
Translate the website into your language:

Sen. Hontiveros, hinimok ang imbestigasyon sa umano’y pagmamaltrato sa mga bata sa Pampanga orphanage

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-08-19 09:28:42 Sen. Hontiveros, hinimok ang imbestigasyon sa umano’y pagmamaltrato sa mga bata sa Pampanga orphanage

AGOSTO 19, 2025 — Isang resolusyon ang inihain ni Senador Risa Hontiveros upang imbestigahan ang mga alegasyon ng child abuse sa isang orphanage sa Mexico, Pampanga, kung saan isang Amerikanong pastor ang umano’y nagmaltrato sa mga bata. Layon ng Senate Resolution No. 77 na alamin ang kalagayan ng mga bata at palakasin ang proteksyon laban sa pang-aabuso sa mga childcare facility.

Ayon sa resolusyon, kailangang suriin ang sistema ng accreditation at monitoring ng mga institusyong nag-aalaga sa mga menor de edad. 

“The reported incident underscores the necessity of a comprehensive review of accreditation, monitoring, and regulation mechanisms for public and private institutions that assume custody of minors to prevent similar abuses from recurring,” pahayag ng dokumento.

(Ang iniulat na insidente ay nagbibigay-diin sa pangangailangan ng masusing pagsusuri sa mga mekanismo ng akreditasyon, pagmomonitor, at regulasyon para sa mga pampubliko at pribadong institusyong nag-aalaga ng mga menor de edad upang maiwasan ang muling pag-uulit ng ganitong pang-aabuso.)

Noong nakaraang linggo, iniligtas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang halos 160 bata mula sa naturang orphanage. Kumakalat ang ulat na sila’y ginugutom, ikinukulong sa banyo, at pinaparusahan nang malupit. 

Kasalukuyang hinaharap ng pastor ang kaso sa ilalim ng Special Protection of Children Against Abuse Act, habang naghahanda rin ang Bureau of Immigration (BI) para sa kanyang deportasyon.

Naglabas na rin ang DSWD ng cease and desist order sa orphanage. 

Ayon sa DSWD spokesperson na si Irene Dumlao, posibleng ipasara at hindi na muling payagang mag-operate ang pasilidad kung patuloy nitong hindi tutuparin ang mga kinakailangang pagbabagong inirekomenda ng ahensya.

Layon ng imbestigasyon ni Hontiveros na matiyak na hindi na maulit ang ganitong kaso, at masiguro ang kaligtasan ng mga batang nasa institutional care.

(Larawan: Senator Risa Hontiveros | Facebook)