2 Chinese huli sa pekeng carnapping para sa insurance claim
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-08-26 08:25:22
VALENZUELA CITY — Arestado ang dalawang Chinese nationals matapos umanong magsabwatan upang magpanggap na biktima ng carnapping sa layuning makakolekta ng insurance claim para sa isang SUV.
Kinilala ang mga suspek bilang sina alyas Wang, 43, residente ng Brgy. Santol, Balagtas, Bulacan, at Yang, 52, mula sa Binondo, Maynila. Ayon sa Northern Police District (NPD), iniulat ni Wang noong Agosto 17 na ninakaw ang kanyang Toyota Fortuner sa Don Pedro Street, Jade Garden Subdivision, Brgy. Marulas, bandang 2:10 a.m.
Sa paunang imbestigasyon, agad na naglabas ng flash alarm ang pulisya. Ngunit kalaunan ay napansin ang mga kahina-hinalang detalye sa ulat. “Sa unang kwento pa lang nila, na kinarnap, at iyong alleged carnapper ay lumapit at umilaw iyong park light ng sasakyan, nagduda na kami. Saan ka makakita ng carnapper na may sariling remote [ng sasakyan na ninakaw]?” ayon kay Police Colonel Joseph Talento, hepe ng Valenzuela City Police.
Sa tulong ng CCTV at dashcam footage, natunton ng mga operatiba ang isang auto repair shop sa Grace Park, Caloocan City, kung saan natagpuan ang isa pang Toyota Fortuner na kinabitan ng plaka ng sinasabing ninakaw na sasakyan. Lumitaw sa imbestigasyon na ang orihinal na SUV ay nasangkot sa isang aksidente at isinailalim sa repair, habang ang isa pang unit ay ginamit upang palabasing ito ang na-carnap.
Ayon kay Police Major Jose Hizon, “Nag-file po kami ng perjury dun sa kanyang pagsisinungaling. At saka iyong Republic Act 4136, iyong Illegal Transfer of Plate. And dinagdag na rin po namin iyong insurance fraud”.
Kinondena ni NPD District Director Police Brigadier General Jerry Protacio ang insidente, at iginiit na ang ganitong uri ng panlilinlang ay hindi lamang panloloko sa insurance company kundi pag-aaksaya rin ng resources ng gobyerno.
Ang mga suspek ay nahaharap sa mga kasong perjury, illegal transfer of license plates, at insurance fraud sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. Patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa publiko na iwasan ang ganitong uri ng modus na maaaring humantong sa mabigat na parusa.
