7 online lending platforms, ipinasara ng SEC dahil sa ilegal na operasyon
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-26 10:23:29
AGOSTO 26, 2025 — Ipinahinto ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang operasyon ng pitong online lending platforms na walang rehistro at pahintulot mula sa ahensya.
Sa magkakahiwalay na cease and desist orders na inilabas noong Agosto 15, inatasan ng SEC Financing and Lending Companies Department (FinLend) ang mga sumusunod na kumpanya na itigil ang anumang transaksyong may kaugnayan sa pagpapautang:
- Cash Konek
- Pesosuki
- Yescom Lending – Quick Cash Loan
- Peso101 – Fast Loans PH
- Peso Cow – Mabilis Pera Loan
- Swiftloan: Loan App Philippines
- Pera Loan: Fast Cash PH
Kasama sa kautusan ang mga may-ari, operator, tagapagtaguyod, kinatawan, ahente, at sinumang kumikilos sa ngalan ng mga nabanggit na kumpanya.
Ayon sa SEC, nilabag ng mga naturang platform ang Memorandum Circular No. 19, Series of 2019, na nag-uutos sa mga rehistradong financing at lending firms na isapubliko ang kanilang online lending platforms (OLPs). Bukod pa rito, hindi rin nila sinunod ang moratorium sa pagpaparehistro ng bagong OLPs na ipinatupad noong Nobyembre 5, 2021 sa ilalim ng MC No. 10, Series of 2021.
Binanggit ng ahensya na ang pagpapatakbo ng mga hindi rehistrado at hindi deklaradong OLPs ay pag-iwas sa regulasyon ng SEC, na naglalagay sa publiko sa panganib ng mapang-abusong paniningil, hindi makatarungang interes, at paglabag sa privacy ng datos.
Sa pahayag ng FinLend, sinabi nitong:
“In light of the [companies’] continued unauthorized operation of [their OLPs], the Commission finds it necessary to issue [these CDOs] in order to prevent further harm or prejudice to the public, and to safeguard the integrity of the regulatory framework governing lending companies.”
(Dahil sa patuloy na ilegal na operasyon ng kanilang OLPs, nakikitang kailangan ng Komisyon na maglabas ng mga CDO upang maiwasan ang karagdagang pinsala sa publiko at mapangalagaan ang integridad ng regulasyon sa mga lending company.)
Nagbabala ang SEC na patuloy nitong babantayan ang mga online lending platforms upang masigurong sumusunod ang mga ito sa batas at hindi nananamantala ng mga mamimili.
(Larawan: Securities and Exchange Commission Philippines)
