Diskurso PH
Translate the website into your language:

265 na lugar sa Davao, apektado ng baha!

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-08-28 21:26:38 265 na lugar sa Davao, apektado ng baha!

DAVAO CITY — Umabot sa 265 na lugar sa lungsod ang natukoy bilang flood-prone areas batay sa ulat ng City Engineering Office (CEO) sa sesyon ng City Council ngayong Huwebes, Agosto 28.

Ayon kay Janis Louis Esparcia, officer-in-charge ng City Engineering Office, nakapagtala ng 140 flood-prone areas sa Unang Distrito, 69 sa Ikalawang Distrito, at 56 sa Ikatlong Distrito, base sa datos ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).

Binigyang-diin ni Esparcia na kinakailangan ng pangmatagalang solusyon upang matugunan ang paulit-ulit na problema ng pagbaha sa lungsod. Kabilang dito ang pagpapalawak ng drainage system, pagdaragdag ng inlets, at ang pagtatayo ng retention at detention ponds upang makontrol at masalo ang rumaragasang tubig-baha sa panahon ng malalakas na pag-ulan.

Dagdag pa rito, iminungkahi rin ng opisyal ang pagkakaroon ng mga karagdagang flood control structures tulad ng box culverts, flood walls, at pumping stations. Ipinunto niya na magiging katuwang sa implementasyon ng mga proyektong ito ang Department of Public Works and Highways (DPWH), alinsunod sa Japan International Cooperation Agency (JICA) Flood Mitigation Master Plan.

Layunin ng mga hakbang na ito na hindi lamang mabawasan ang pinsala dulot ng baha, kundi maprotektahan din ang kaligtasan at kabuhayan ng mga residente. (Larawan: Philippines Defense Forces Forum / Fb)