‘Set-up lamang ito’ — Sen. Joel Villanueva, ipinagtanggol ang sarili sa gitna ng pagdiriwang ng 47th Anniversary ng JIL
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-19 23:29:11
MANILA — Sa ginanap na 47th Anniversary Celebration ng Jesus Is Lord (JIL) Church noong Sabado, Oktubre 18, 2025, diretsahang tinugunan ni Senator Joel Villanueva ang isyu ng pagkakadawit ng kanyang pangalan sa umano’y maanomalyang flood control projects ng pamahalaan.
Giit ni Villanueva, set-up lamang umano ang pagkakasangkot niya sa kontrobersya at walang kahit anong ebidensyang magpapatunay na siya ay may kinalaman sa katiwalian.
“Wala po akong kinalaman sa anumang anomalya. Isa po itong malinaw na set-up. Wala silang maipapakitang kahit anong dokumento o patunay na nagdudugtong sa akin sa isyung ito,” pahayag ng senador sa harap ng libu-libong dumalo sa pagtitipon.
Dagdag pa niya, ginagamit umano ng ilang grupo ang kanyang pangalan upang sirain ang kanyang reputasyon at maapektuhan ang tiwala ng publiko sa kanya bilang lingkod-bayan.
“Ginagamit nila ang pangalan ko para sirain ako at pabagsakin ang tiwala ng mga kababayan natin. Pero alam ng Diyos at alam ng taong matino kung ano ang totoo,” ani Villanueva.
Sa kabila ng kontrobersya, nanindigan ang senador na patuloy siyang maglilingkod nang tapat at hindi siya matitinag ng mga paninira.
“Hindi ako titigil sa paglilingkod dahil lang sa mga kasinungalingan. Ang katotohanan ay lalabas din sa tamang panahon,” dagdag pa niya.
Nagpahayag naman ng suporta ang ilang miyembro ng JIL community kay Villanueva, na kilalang matagal nang miyembro ng naturang simbahan at anak ng tagapagtatag nitong si Bro. Eddie Villanueva. (Larawan: Joel Villanueva / Facebook)