Tingnan: Hydrophonics at organic fertilizer training, isinagawa para sa mga magsasaka sa Liliw
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-19 22:24:43
LILIW, LAGUNA — Isinagawa kamakailan ang Hydroponics and Foliar Organic Fertilizer Training para sa mga kasapi ng Brgy. Novaliches, Liliw Farmers Association bilang bahagi ng patuloy na adbokasiya ng pamahalaan na isulong ang modernong at organikong pagsasaka sa lalawigan.
Layunin ng naturang programa na maituro sa mga magsasaka ang makabagong teknolohiya sa agrikultura tulad ng hydroponics — isang sistemang gumagamit ng sustansiyang tubig sa halip na lupa — at ang paggawa ng organic fertilizer na mas ligtas para sa kalikasan at kalusugan.
Ayon kay Board Member Karla Adajar, patuloy ang kanilang suporta sa mga proyektong nagpapalakas sa sektor ng agrikultura.
“Naniniwala kami na sa pamamagitan ng mga ganitong pagsasanay, mas mapapalago ang kabuhayan ng ating mga magsasaka at magiging mas produktibo ang kanilang ani sa makabagong paraan,” ani Adajar.
Ang inisyatibang ito ay bahagi ng programang pagsusulong ng sustainable farming practices sa Laguna — na naglalayong itaas ang kita ng mga magsasaka habang pinangangalagaan ang kalikasan at kalusugan ng mamamayan. (Larawan: Bm Karla Adajar / Facebook)