Diskurso PH
Translate the website into your language:

2 nawawala sa pagguho ng bahagi ng BUDA highway sa Quezon, Bukidnon

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-19 22:12:52 2 nawawala sa pagguho ng bahagi ng BUDA highway sa Quezon, Bukidnon

QUEZON, BUKIDNON — Dalawang indibidwal ang nawawala matapos matabunan ng gumuhong lupa sa bahagi ng BUDA Highway, sa Overview, Barangay Palacapao, bayan ng Quezon, Bukidnon nitong Sabado ng gabi, Oktubre 18, 2025.

Kinilala ang mga nawawalang biktima na sina Ely Ubatay at Thelma Ubatay, kapwa residente ng Purok 9, Kahusayan, Kitaotao, Bukidnon. Ayon sa inisyal na ulat ng mga awtoridad, magkasamang bumiyahe ang dalawa sa naturang lugar nang bigla umanong gumuho ang bahagi ng bundok sa gilid ng kalsada dahil sa tuloy-tuloy na ulan na dulot ng Bagyong Ramil.

Agad na nagsagawa ng search and retrieval operations ang mga tauhan ng Quezon Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) katuwang ang BFP, PNP, at mga volunteer rescuers mula sa karatig-bayan. Patuloy naman ang clearing operations sa lugar dahil nananatiling delikado at madulas ang daan.

Pinayuhan ng lokal na pamahalaan ang mga motorista na iwasan muna ang pagdaan sa BUDA Highway, lalo na sa mga bahagi nitong may mataas na panganib ng landslide. Nagpapatupad na rin ng temporary traffic rerouting ang mga otoridad habang hindi pa tuluyang ligtas ang kalsada.

Samantala, nagpaabot ng pakikiramay at tulong ang pamahalaang panlalawigan sa mga pamilya ng mga nawawala at nangakong tututukan ang operasyon hanggang sa tuluyang mahanap ang mga biktima. (Larawan: Forts Cabarde, Certified Lahtagaw / Facebook)