‘Kung naghahangad ka na yayaman ka, malamang pumatol ka doon sa ilegal’ — mensahe ni Sen. Sotto sa mga opisyal ng gobyerno
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-19 23:13:03
MANILA — Nagbigay ng paalala si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa mga kasalukuyang opisyal ng gobyerno at sa mga nagbabalak na pumasok sa serbisyo publiko hinggil sa tunay na diwa ng paglilingkod bayan.
Ayon kay Sotto, isa sa mga pinakamalaking sakripisyo ng pagiging lingkod bayan ay ang hindi dapat paghahangad ng pagyaman. Giit niya, ang layunin ng isang tunay na opisyal ng gobyerno ay maglingkod, hindi magpayaman.
“Isa sa mga sakripisyo ng isang public servant ay huwag umasa o maghangad na yumaman. Iyan ang mali ng ilan — pumapasok sa gobyerno para yumaman,” pahayag ni Sotto.
Dagdag pa ng dating senador, ang pagiging opisyal ng gobyerno ay isang tungkuling may kasamang pananagutan at integridad, at hindi isang paraan para sa personal na kapakinabangan.
Pinaalalahanan din niya ang mga kabataang nagbabalak pumasok sa politika na ang tiwala ng taumbayan ay hindi dapat abusuhin, kundi ingatan at suklian ng tapat na serbisyo.
“Kung ang layunin mo ay yumaman, wag kang pumasok sa gobyerno. Pero kung gusto mong maglingkod, doon ka nababagay,” ani pa ni Sotto.
Marami sa mga netizen ang pumuri sa pahayag ng dating Senate President, na anila’y paalala sa panahon ng lumalalang isyu ng katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihan. (Larawan: Vicente Tito Sotto / Facebook)