Sen. Erwin Tulfo, isinusulong ang ‘OFW Pension Act’ na layuning magbigay ng ₱5,000 kada buwan
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-19 22:58:35
MANILA — Isinusulong ni Senador Erwin Tulfo ang pagpasa ng Senate Bill No. 252 o “OFW Pension Act”, na layuning magbigay ng ₱5,000 buwanang pensyon sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) matapos silang magretiro sa pagtatrabaho sa ibang bansa.
Ayon kay Tulfo, matagal nang kinikilala bilang “bagong bayani” ang mga OFW dahil sa kanilang malaking ambag sa ekonomiya ng bansa, ngunit marami umano sa kanila ang walang natatanggap na sapat na proteksiyon at benepisyo mula sa pamahalaan.
“Ang ating mga OFW ay itinuturing na mga bagong bayani, ngunit marami sa kanila ang hindi nakakatanggap ng sapat na proteksyon na nararapat sa kanila. Hindi dapat limitado lamang ang kasalukuyang mga programa ng gobyerno para sa ating mga migrant worker sa legal aid at medikal na tulong, dapat din nitong siguruhin ang kanilang proteksyon para sa hinaharap kapag sila ay nagretiro,” pahayag ni Tulfo.
Dagdag pa ng senador, layunin ng naturang panukala na masiguro ang kapanatagan ng mga OFW sa kanilang pagtanda matapos ang maraming taong sakripisyo sa ibang bansa.
“Kaya nananawagan kami sa agarang pagpasa ng batas na bubuo ng isang pension system para sa ating mga OFW upang mapakinabangan nila ang mga sakripisyong ginawa nila para sa kanilang pamilya at mga mahal sa buhay,” ani pa ni Tulfo.
Inaasahan ng senador na makatutulong ang panukalang batas na ito upang matulungan ang mga OFW na magkaroon ng seguridad sa kanilang pagreretiro, at mapakita rin ng gobyerno ang tunay na pagpapahalaga sa kanilang kabayanihan at kontribusyon sa bansa. (Larawan: Erwin Tulfo / Facebook)