‘Wala na siyang accomplishment at all’ — Wala umanong narating ang administrasyon ni BBM ayon kay VP Sara
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-19 23:19:35
MANILA — Muling nagpaingay si Vice President Sara Duterte matapos niyang sabihin na wala na umanong narating o nakamit na makabuluhang accomplishment ang administrasyong Marcos mula nang siya ay bumaba bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).
Ayon kay Duterte, habang siya pa raw ang nasa gabinete, siya lamang umano ang aktibong gumagawa ng mga hakbang at proyekto para sa administrasyon.
“Akala nyo ba ‘yung ginawa ko sa DepEd, galing ‘yun kay BBM? Hindi, akin ‘yun. Lahat. Kasi he did not give any orders at all,” ani ng Pangalawang Pangulo.
Dagdag pa niya, maging noong siya ay nakaupo pa bilang Education Secretary, walang direktiba o pakikialam umano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga programa ng ahensya.
“So pag-upo ko doon, sabi ko sa mga kasamahan ko — sa mga Usec at Asec — I think this is our show. Kasi walang participation at all ang Pangulo. So gagawin na lang natin kung ano ‘yung karapat-dapat na gawin para sa edukasyon dito sa ating bayan. Kaya namin ginawa ang Matatag Agenda, at sinundan namin ito ng Matatag Curriculum,” paliwanag pa ni Duterte.
Ang mga pahayag ng Pangalawang Pangulo ay nagdulot ng matinding reaksyon mula sa publiko at sa mga tagasuporta ng kasalukuyang administrasyon. Ilan sa mga netizen ay nagpahayag ng pagkabigla at pangamba sa patuloy na banggaan ng dating magkaalyado na sina Marcos at Duterte, na dati’y magkasangga noong eleksiyon 2022.
Sa ngayon, wala pang tugon mula sa Malacañang hinggil sa mga pahayag ni VP Duterte. (Larawan: Sara Duterte / Facebook)