Mandatory na pagsusuot ng facemask, ipinatupad sa lalawigan ng Quezon dahil sa patuloy na paglaganap ng influenza-like illness
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-19 21:54:44
QUEZON PROVINCE — Ipinag-utos ni Governor Helen Tan ang mandatory na pagsusuot ng facemask sa buong lalawigan ng Quezon matapos tumaas ang bilang ng mga kaso ng sipon, ubo, influenza-like illness (ILI) at severe respiratory infections gaya ng community-acquired pneumonia.
Nakasaad sa Executive Order No. DHT-60, na nilagdaan ng Gobernadora, ang mahigpit na pagpapatupad ng pagsusuot ng facemask sa lahat ng indoor settings, kabilang ang mga pampublikong opisina, paaralan, simbahan, establisimyento, at pampublikong transportasyon. Obligado rin ang pagsusuot ng facemask sa mga outdoor areas kung saan hindi nasusunod ang physical distancing.
Ayon sa provincial government, ang kautusan ay bahagi ng preventive measures upang maiwasan ang paglala ng mga kaso ng respiratory infections sa lalawigan. “Mas mainam na mag-ingat kaysa magsisi. Panawagan namin sa publiko na makiisa sa kautusang ito para sa kaligtasan ng lahat,” ani Gov. Tan.
Mahigpit ding pinaaalalahanan ang mga lokal na pamahalaan at barangay officials na tiyaking naipatutupad ang naturang kautusan. Ang mga lalabag ay maaaring pagsabihan, pagmultahin, o patawan ng kaukulang administrative sanction, depende sa bigat ng paglabag.
Hinimok din ng Provincial Health Office ang mga mamamayan na panatilihin ang kalinisan ng katawan, palakasin ang resistensya, at agad magpatingin sa pinakamalapit na health facility kung makaranas ng sintomas ng sakit sa paghinga.
“Ang pagsusuot ng facemask ay simpleng hakbang, pero malaking proteksyon laban sa mga sakit na mabilis kumalat,” dagdag ng opisina. (Larawan: Doktora Helen Tan / Facebook)