Diskurso PH
Translate the website into your language:

Rudy Giuliani, bibigyan ng Medal of Freedom ni Trump kahit kontrobersyal

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-03 09:42:30 Rudy Giuliani, bibigyan ng Medal of Freedom ni Trump kahit kontrobersyal

WASHINGTON, D.C. — Inanunsyo ni Pangulong Donald Trump na kanyang igagawad ang Presidential Medal of Freedom kay Rudy Giuliani, dating alkalde ng New York City at matagal nang kaalyado sa politika, dalawang araw matapos maaksidente si Giuliani sa New Hampshire.

Sa isang post sa Truth Social noong Setyembre 1, sinabi ni Trump: “As President of the United States of America, I am pleased to announce that Rudy Giuliani, the greatest Mayor in the history of New York City, and an equally great American Patriot, will receive THE PRESIDENTIAL MEDAL OF FREEDOM, our Country’s highest civilian honor.” Dagdag pa niya na iaanunsyo ang detalye ng seremonya sa mga susunod na araw.

Si Giuliani, 81, ay nagtamo ng spinal fracture at iba pang pinsala matapos mabangga ang sinasakyang Ford Bronco sa isang highway sa New Hampshire. Ayon sa kanyang security chief na si Michael Ragusa, bago ang aksidente ay tumulong si Giuliani sa isang babaeng biktima ng domestic violence at nanatili sa lugar hanggang dumating ang mga pulis.

Ang Presidential Medal of Freedom ay ang pinakamataas na karangalang sibiko sa Estados Unidos, iginagawad sa mga indibidwal na may natatanging kontribusyon sa seguridad, kapakanan, o kultura ng bansa. Sa kanyang unang termino, iginawad ni Trump ang medalya kina Rush Limbaugh, Tiger Woods, Jim Jordan, at Babe Ruth, bukod sa iba pa.

Si Giuliani ay naging tanyag sa buong bansa dahil sa kanyang pamumuno sa New York City matapos ang 9/11 attacks. Kalaunan, naging abogado siya ni Trump at aktibong lumahok sa mga legal na hakbang upang kuwestyunin ang resulta ng 2020 presidential election. Dahil dito, siya ay na-disbar sa New York at Washington, D.C., at naharap sa mga kaso sa Georgia at Arizona, bagamat itinanggi niya ang mga paratang.

Ayon kay Ted Goodman, tagapagsalita ni Giuliani, “There is no American more deserving of this honor. Mayor Rudy Giuliani took down the Mafia, saved New York City, comforted the nation following 9/11, and served in countless other ways to improve the lives of others.”

Bagamat kontrobersyal ang desisyon, nanindigan si Trump sa kanyang pagpili, na aniya’y pagkilala sa “legacy” ni Giuliani bilang isang “great American Patriot.”