Regional Training Sports Hub, itatayo sa Tayabas, Quezon
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-08 19:47:59
TAYABAS, QUEZON — Isang makasaysayang hakbang para sa pag-unlad ng palakasan sa rehiyon ang nakatakdang gawin matapos kumpirmahin na itatayo sa Lungsod ng Tayabas ang Regional Training Sports Hub.
Pinangunahan ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick “Pato” Gregorio, kasama sina Gob. Dra. Helen Tan, Mayor Piwa Lim, at iba pang lokal na opisyal, ang inspeksyon sa napiling lugar kung saan itatayo ang naturang pasilidad. Layunin ng proyekto na maghatid ng mas maraming oportunidad para sa mga atletang Quezonian at suportahan ang grassroots sports development.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Chairman Gregorio na ang puhunan sa kabataan at sa palakasan ay puhunan para sa kinabukasan ng bansa. “Dito sisibol ang susunod na mga pambansang atleta. Mahalaga na mayroong makabagong pasilidad upang mahubog ang kanilang talento,” aniya.
Sang-ayon naman si Gob. Tan na malaki ang potensyal ng hub bilang inspirasyon sa kabataan. Dagdag pa niya, magsisilbing daan ito upang mas lalo pang kilalanin ang Quezon Province bilang tahanan ng mga de-kalidad na atleta.
Kabilang sa mga planong pasilidad ng hub ang track and field oval, swimming pool, gymnasium, at mga silid-pagsasanay. Bukod sa pagiging sentro ng ensayo, magsisilbi rin itong venue ng mga lokal at rehiyonal na kumpetisyon, training camps, at iba pang aktibidad na may kinalaman sa sports.
Ang proyekto ay resulta ng pagtutulungan ng PSC, Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon, at Pamahalaang Lungsod ng Tayabas. Kapag natapos, inaasahang bubuo ito ng pangmatagalang ekosistemang pampalakasan na makikinabang hindi lamang ang mga kabataan kundi maging ang lahat ng mamamayan anuman ang edad at kakayahan.
Sa pamamagitan ng Regional Training Sports Hub, muling ipinapakita ng Tayabas at ng Quezon Province ang kanilang dedikasyon na suportahan ang pangarap ng mga atleta at itaguyod ang kahusayan sa larangan ng palakasan. (Larawan: PSC / Google)