Malaking sunog sa Tondo, umabot sa Task Force Bravo
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-14 08:30:41
MAYNILA — Isang malawak na sunog ang sumiklab sa Barangay 105, Happyland, Tondo, Maynila nitong Sabado ng gabi, Setyembre 13, na umabot sa Task Force Bravo bago naapula ng mga bumbero.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog bandang alas-9 ng gabi at mabilis na kumalat dahil sa dikit-dikit na mga kabahayan sa lugar. Pasado alas-12:44 ng madaling araw ng Linggo, Setyembre 14, itinaas na ang alarma sa Task Force Bravo, na nangangahulugang dumipensa na ng karagdagang pwersa mula sa iba’t ibang istasyon ng bumbero sa Metro Manila.
Sa mga kuha ng video at drone footage na kumalat sa social media, makikita ang makapal na usok at malalaking apoy na sumusunog sa kabahayan, habang nagmamadaling lumikas ang mga residente upang mailigtas ang kanilang pamilya at kaunting ari-arian. Ilang bata at matatanda ang agad na dinala sa evacuation centers sa kalapit na paaralan at covered court.
Nagtulong-tulong ang mga fire volunteers, barangay tanod, at iba pang emergency responders upang tulungan ang mga residente at makontrol ang apoy. Ilang residente naman ang nagreklamo na mahirap ang pagresponde dahil makikitid ang mga eskinita at maraming nakaparadang sasakyan ang nakaharang sa daan.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na bilang ng mga nasugatan o lawak ng pinsala, ngunit inaasahang daan-daang pamilya ang naapektuhan ng sunog. Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang BFP upang tukuyin ang sanhi ng insidente.
Samantala, tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Maynila na magkakaloob sila ng agarang tulong sa mga pamilyang nawalan ng tirahan, kabilang ang pagkain, damit, at pansamantalang matutuluyan.