Singson, Fajardo itinalaga bilang mga pangunahing miyembro ng ICI; Magalong, tututok bilang tagapayo, imbestigador
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-14 12:16:54
SETYEMBRE 14, 2025 — Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sina dating DPWH Secretary Rogelio “Babes” Singson at SGV & Co. managing partner Rossana Fajardo bilang pangunahing miyembro ng Independent Commission on Infrastructure (ICI), isang bagong binuong lupon na tututok sa imbestigasyon ng mga kuwestiyonableng proyekto sa flood control at iba pang imprastraktura.
Kasama sa komisyon si Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang espesyal na tagapayo at imbestigador.
Ayon sa Malacañang, ang ICI ay binuo sa bisa ng Executive Order No. 94 na nilagdaan noong Setyembre 11, kasunod ng pag-amin ng Pangulo na bilyong piso ang nawawala sa mga proyektong hindi natapos, may depekto, o hindi talaga umiral.
Ang komisyon ay may kapangyarihang magsagawa ng sariling imbestigasyon, tumanggap ng impormasyon mula sa intelligence reports, at mag-rekomenda ng mga kasong kriminal, administratibo, o sibil laban sa mga sangkot.
Saklaw ng imbestigasyon ang mga proyekto sa nakalipas na sampung taon — mula sa huling bahagi ng administrasyong Aquino, buong termino ni Duterte, hanggang sa kasalukuyang pamahalaan.
Ayon kay Presidential Communications Undersecretary Claire Castro, ang mga itinalaga ay may“malalim na kaalaman sa imprastruktura, pananalapi, at reporma sa institusyon.
Dagdag pa niya, “Their acceptance of this responsibility is voluntary. They are not appointed to defend the system, but to confront it. And most importantly, not one of them is connected to the agencies or contractors under investigation.”
(Boluntaryo ang pagtanggap nila sa tungkulin. Hindi sila itinalaga para ipagtanggol ang sistema, kundi para harapin ito. At pinakamahalaga, wala ni isa sa kanila ang konektado sa mga ahensya o kontratistang iniimbestigahan.)
Si Singson, isang industrial engineer na dating pinuno ng DPWH mula 2010 hanggang 2016, ay kilala sa mga repormang naglalayong alisin ang ghost projects at tiyaking tama ang paggamit ng pondo ng bayan. Bago siya naging kalihim, nagsilbi siya sa ilang government-owned and controlled corporations gaya ng Bases Conversion and Development Authority.
“His technical understanding of how projects are designed, procured, and implemented will be essential to this Commission’s work,” ani Castro.
(Ang teknikal niyang kaalaman sa pagdidisenyo, pagbili, at pagpapatupad ng mga proyekto ay magiging mahalaga sa trabaho ng Komisyon.)
Samantala, si Fajardo naman ay may higit tatlong dekadang karanasan sa auditing, risk management, at internal controls. Bilang isang certified public accountant at certified fraud examiner, siya ay eksperto sa pagtukoy ng kahinaan sa mga sistema ng pananalapi at operasyon.
“Her technical insight and financial acumen are critical in following the trail of public funds and determining where leakages and irregularities may have occurred,” dagdag ni Castro.
(Ang teknikal niyang pananaw at husay sa pananalapi ay mahalaga sa pagsubaybay sa daloy ng pondo ng bayan at pagtukoy kung saan nagkaroon ng tagas o iregularidad.)
Si Magalong, dating deputy director general ng PNP at dating pinuno ng Criminal Investigation and Detection Group, ay kilala sa mga sensitibong imbestigasyon, kabilang ang Mamasapano incident noong 2015. Kamakailan, binanggit niya sa media na may 67 mambabatas umanong sangkot sa mga anomalya sa flood control projects.
Ang paghirang kay Magalong ay agad tinutulan ni Ako Bicol Rep. Zaldy Co, na nagsabing, “It does not give me confidence that this independent body will conduct a fair and unbiased investigation, given that the investigation has not started, but Mayor Magalong is already giving statements to the media on the subject and my alleged involvement based on rumors and hearsay.”
(Hindi ito nagbibigay sa akin ng tiwala na patas at walang kinikilingang imbestigasyon ang isasagawa ng komisyon, lalo’t hindi pa ito nagsisimula pero nagbibigay na si Mayor Magalong ng pahayag sa media tungkol sa isyu at sa umano’y pagkakasangkot ko batay sa tsismis at sabi-sabi.)
Dagdag pa ni Co, “I was surprised to hear Mayor Benjamin Magalong mention my name to the media in connection with the flood control projects without saying what exactly I did. Again, I strongly deny any wrongdoing with respect to his vague claim.”
(Nagulat ako nang marinig si Mayor Benjamin Magalong na binanggit ang pangalan ko sa media kaugnay ng mga proyekto sa flood control nang hindi nililinaw kung ano ang ginawa ko. Muli, mariin kong itinatanggi ang anumang pagkakasala kaugnay ng kanyang malabong paratang.)
Nagpahayag din ng agam-agam si Bicol Saro Rep. Terry Ridon, chairman ng House infrastructure committee, at nagsabing dapat pag-aralan ng komisyon kung ang partisipasyon ni Magalong sa ilang kaso ay dapat ikonsidera para sa posibleng inhibition upang maiwasan ang “appearance of prejudgment.”
Sa kabila ng kontrobersiya, suportado ng ilang sektor ang pagbuo ng ICI.
Ayon sa Caucus of Development NGO (CODE-NGO), ang anomalya sa flood control projects ay pinakamalaking eskandalo sa korapsyon mula noong pork barrel scam noong 2013. Nanawagan ang grupo na bumuo rin ng hiwalay na citizen-led commission na binubuo ng mga kinatawan mula sa NGOs, media, akademya, at civic watchdogs.
Habang inaasahan pa ang pag-anunsyo ng ikatlong miyembro at chairman ng ICI, sinabi ng Malacañang na magsisimula agad ang trabaho ng komisyon.
Bagama’t walang tiyak na deadline, binigyang-diin ni Castro na, “The timeline here is really about working more urgently and more quickly. And it would be best if this could be finished within just a few months.”
(Ang iskedyul dito ay nakatuon sa agarang aksyon at mabilis na pagtatrabaho. Mas mainam kung matatapos ito sa loob lamang ng ilang buwan.)
(Larawan: Philippine News Agency | Facebook)