Diskurso PH
Translate the website into your language:

66 flood control projects sa QC hindi matunton sa inspeksyon

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-15 20:59:31 66 flood control projects sa QC hindi matunton sa inspeksyon

QUEZON CITY — Ibinunyag ng pamahalaang lungsod ng Quezon City na 66 flood control projects na isinagawa mula 2022 hanggang 2025 ay hindi matunton sa aktuwal na lokasyon, ayon sa isinagawang inspeksyon ng City Engineering Department. Sa kabuuang 331 proyekto na nagkakahalaga ng ₱17 bilyon, 20% ang may mali o walang koordinato, dahilan upang hindi ito ma-verify sa field.

Ayon kay Mayor Joy Belmonte, “Kung ako, bilang pangkaraniwang mamamayan, batay rin sa nakita natin, para sa akin, ang conclusion ko, ghost projects ‘yan. Pero siguro ang engineering sector eh may ibang mga — I would say — technical terms na gustong gamitin. Pero alam ko bilang normal person, for me, I believe those are ghost projects”.

Sa 66 proyektong tinukoy, 35 ay walang koordinato habang 31 naman ay may maling lokasyon sa dokumento. Bukod dito, 305 sa 331 proyekto ay hindi naka-align sa drainage master plan ng lungsod. May anim na proyekto na idineklarang “completed” ngunit patuloy pa rin ang konstruksyon, habang tatlong proyekto sa Barangay Pasong Tamo na may kabuuang kontratang ₱58 milyon ay nasa iisang lokasyon lamang.

Dalawang proyekto sa Barangay Tatalon at South Triangle na nagkakahalaga ng ₱119 milyon ay simpleng repainting at manhole repairs lamang. May 14 proyekto na may parehong halaga ng kontrata at 22 na may parehong approved budget, ngunit magkaibang contractors. Dagdag pa rito, 170 proyekto ay hindi nakalista sa National Expenditure Program.

Sinabi ni City Engineer Dale Perral na hindi pa nila matukoy nang tiyak kung ghost projects nga ang mga ito, ngunit “It seems impossible that there are none,” aniya sa isang press briefing.

Nagpahayag ang lokal na pamahalaan ng intensyong maglabas ng cease-and-desist orders sa mga proyektong walang certificate of coordination. Dalawa pa lamang sa mga ito ang aprubado ng lungsod. Kasalukuyang isinusulong ang isang ordinansa upang palakasin ang partisipasyon ng mamamayan sa pag-monitor ng mga proyekto mula planning hanggang completion.