2 Chinese arestado sa love scam hub sa Quiapo
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-16 18:59:47
MANILA — Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Chinese nationals sa Quiapo, Maynila dahil sa umano’y pagpapatakbo ng isang “love scam hub” na target ang mga dayuhang biktima mula Europa at Japan. Kasabay ng operasyon, dalawang Malaysian nationals ang nasagip mula sa umano’y sapilitang pagkakapiit at pag-abuso.
Kinilala ng BI Fugitive Search Unit (FSU) ang mga suspek bilang sina Wang Huihuang, 30, na itinuturing na utak ng operasyon, at Liu Lin, 35, na umano’y manager ng home-based scam hub sa Gonzalo Puyat Street. Ayon kay FSU Chief Rendel Ryan Sy, nahuli ang dalawa habang aktibong gumagamit ng anim na computer units na konektado sa mga dating sites, social media accounts, messaging platforms, at translation apps upang linlangin ang mga biktima sa pamamagitan ng pekeng romantikong relasyon.
“Ang layunin ng operasyon ay makakuha ng pera mula sa mga biktima sa pamamagitan ng emosyonal na panlilinlang,” paliwanag ni Sy.
Sa beripikasyon ng BI, napag-alamang overstaying aliens ang dalawang Chinese nationals at walang maipakitang pasaporte o valid immigration documents. Dahil dito, nahaharap sila sa deportation proceedings bilang “undesirable aliens.”
Bukod sa mga iligal na aktibidad, natuklasan din ng mga awtoridad na dalawang Malaysian nationals ang hawak ng mga suspek at nakaranas ng umano’y pag-abuso. Agad silang ni-refer sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at sa Embahada ng Malaysia para sa kaukulang tulong at imbestigasyon.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, patuloy ang kampanya ng ahensya laban sa mga dayuhang sangkot sa cybercrime at human trafficking. “We will not allow the Philippines to be used as a base for international scam operations,” aniya.
Ang insidente ay bahagi ng mas malawak na crackdown ng BI sa mga dayuhang kriminal na gumagamit ng teknolohiya upang makapanloko at makapanakit ng kapwa. Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung may iba pang kasabwat sa operasyon.