Senado, ipina-contempt si Bulacan engineer Alcantara sa paulit-ulit na pagsisinungaling sa ghost projects
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-18 16:24:18
SETYEMBRE 18, 2025 — Cited in contempt. Iyan ang naging kapalaran ni dating Bulacan First District Engineer Henry Alcantara matapos paulit-ulit na igiit sa Senado na wala siyang alam sa mga ghost flood control projects sa kanyang nasasakupan — sa kabila ng mga ebidensyang nagpapakitang kabaligtaran nito.
Sa ikalawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, inihain ni Senador Erwin Tulfo ang mosyon para i-contempt si Alcantara dahil sa umano’y pagsisinungaling sa ilalim ng panunumpa.
“Dalawang hearing na itong nagsisinungaling. Sa mga taong nasa baba, lahat may kasalanan, ikaw wala,” giit ni Tulfo. “District engineer ka, hindi mo alam na may ghost projects. Wala ka rin alam, lumobo 'yung budget mo. Hindi ba dumadaan sa lamesa mo 'yan na lumaki 'yung pondo mo?”
Sa kabila ng mga tanong, nanindigan si Alcantara na wala siyang kaalaman sa mga proyektong hindi naman naisakatuparan.
“Your Honor, kami naman po pag lumalabas po sa GAA, ini-implement lang po namin 'yung project. Actually po ‘yung sinasabi ko po sa ghost project, talaga po wala akong alam diyan,” sagot niya.
Ngunit taliwas ito sa naging pahayag ni Brice Hernandez, dating assistant engineer sa parehong distrito, na nagsabing may hatian umano sila sa kinita mula sa mga ghost projects.
“Yung project[s] na ‘yun, meron po kaming sharing na pag kumita po … si Boss Henry po meron 40%, ako po may 20%, si engineer Jaypee meron po 20% at si engineer Paul Duya meron din pong 20%,” ayon kay Hernandez.
Dagdag pa ni Hernandez, ang “tara” o grease money ay napupunta umano sa proponent, ayon sa kanyang boss.
“Sa proponent daw po [napupunta yung tara], sabi ni boss. Wala po akong direktang ano, pakikipag-usap sa proponent,” aniya.
Sa kabila ng mga testimonya, patuloy ang pagtanggi ni Alcantara sa anumang ugnayan sa mga proyektong peke. Ngunit sa mata ng komite, malinaw ang kabalintunaan ng kanyang mga sagot — kaya’t siya ay ipina-contempt at itinalagang ilagay sa kustodiya ng Senado.
Kasama rin sa mga ipina-contempt si contractor Pacifico “Curlee” Discaya II, matapos magsinungaling tungkol sa hindi pagdalo ng kanyang asawa sa pagdinig. Pareho silang isasailalim sa Senate Sergeant-at-Arms.
(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)