Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Natatakot po ako:’ SYMS construction owner, isinailalim sa proteksyon ng Senado

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-18 16:26:13 ‘Natatakot po ako:’ SYMS construction owner, isinailalim sa proteksyon ng Senado

SETYEMBRE 18, 2025 — Inilagay sa protective custody ng Senado ang may-ari ng SYMS Construction Trading na si Sally Santos matapos niyang humiling ng proteksyon bago isiwalat ang umano’y iregularidad sa mga proyekto ng flood control sa Bulacan.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, humarap si Santos at agad na humiling ng seguridad. 

“Mr. Chair, Your Honor, puwede po ba bago ako magsalita, puwede bang humingi po ako ng proteksiyon?” aniya. 

Dagdag pa niya, “Basta po proteksiyon kasi natatakot po [ako].” 

Pinayagan ni Senador Panfilo Lacson ang kahilingan ngunit binigyang-diin na mawawala ang proteksyon kung mapatunayang nagsinungaling si Santos. Pumayag naman siya sa kondisyon.

Sa pag-uusisa ni Senador JV Ejercito, inilahad ni Santos ang umano’y sapilitang paghiram ng kanyang lisensya ng mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga proyektong hindi naman isinasagawa.

“Actually, Your Honor, hindi ko alam na gagawin nila Engineer Brice at Jaypee Mendoza po 'yun kasi syempre, sila ay tauhan ng DPWH, naniniwala ako na hindi nila gagawin 'yun. 'Yung lisensya ko po, sapilitan na nilang hiniram sa akin,” pahayag ni Santos. 

Ayon kay Santos, umabot sa P245 milyon ang naihatid niyang cash sa opisina ng DPWH sa loob lamang ng isang araw. Tinatayang nasa P1 bilyon ang kabuuang halaga ng perang naipadala niya mula 2022 hanggang kasalukuyan.

Ibinunyag din ni Santos na bukod sa Wawao Builders, ginamit din ang lisensya ng Darcy at Anna Builders & Trading para sa mga proyekto sa Bulacan. Isa sa mga nabanggit niyang proyekto ay ang sa Piel, kung saan pinasa lang umano niya ang mga teknikal na dokumento habang ang usaping pinansyal ay hawak na nina Hernandez at Mendoza.

(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)