Marcos nilagdaan ang batas na nagpapahintulot sa deklarasyon ng ‘State of Imminent Disaster’
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-18 20:00:59
MANILA — Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 12287 na nagbibigay kapangyarihan sa gobyerno na magdeklara ng “State of Imminent Disaster” upang maisagawa ang agarang paghahanda at emergency response bago pa man tumama ang kalamidad.
Ayon sa bagong batas, maaaring magdeklara ng State of Imminent Disaster ang Pangulo base sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC). Maaari rin itong gawin ng mga gobernador o alkalde sa kanilang nasasakupan kung may rekomendasyon mula sa Regional DRRM Councils.
Bago ideklara, kailangan munang magsagawa ng pre-disaster risk assessment upang matukoy kung may banta ng malawakang pinsala na may sapat na tatlong araw na lead time (na maaaring palawigin hanggang limang araw) para makapaghanda ang pamahalaan.
Kasama sa mga hakbang na maaaring isagawa sa ilalim ng deklarasyong ito ang:
Pagbibigay ng impormasyon at abiso sa publiko,
Pagmomobilisa at pag-preposition ng response teams,
Pagpapatupad ng pre-emptive o forced evacuation,
Pagbibigay ng ayuda at pagkain,
Pagpapatupad ng social amelioration programs para sa mahihirap at bulnerableng sektor,
Pag-iingat upang mabawasan ang pinsala sa agrikultura at food supply, at
Pagbibigay ng technical at advisory support para matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Nakasaad din sa batas na agad na dapat i-lift ang deklarasyon kung hindi na matutugunan ang mga inaasahang epekto batay sa pinakahuling risk assessment.
Inaatasan ang mga LGU na isama sa kanilang taunang DRRM plans at pondo ang mga anticipatory action measures. Samantala, obligadong maglabas ng implementing rules and regulations ang NDRRMC sa loob ng 60 araw matapos maaprubahan ang batas.