Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mga paperbag ng salapi, ibinulgar sa Senado; QC officials, dawit sa flood-control scam

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-18 19:06:08 Mga paperbag ng salapi, ibinulgar sa Senado; QC officials, dawit sa flood-control scam

SETYEMBRE 18, 2025 — Inamin ng kontratistang si Curlee Discaya sa Senado na nag-abot siya ng salapi sa ilang opisyal ng Quezon City at Department of Public Works and Highways (DPWH) — gamit ang mga paperbag.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Huwebes, Setyembre 18, kinumpirma ni Discaya na ang kanyang mga kumpanya ay nagbigay ng pera sa mga lokal na opisyal kapalit ng pabor sa mga proyekto. Una siyang umiwas sa tanong, ngunit kalauna’y diretsong sinabi: “Yes.”

Ayon kay Discaya, ang cash ay inilalagay sa mga paperbag at iniaabot sa mga opisyal sa kanilang opisina o sa Shangri-La Hotel. Tumanggi siyang tukuyin kung magkano ang kabuuang halaga ng mga ibinigay na kickback.

“Kinukuha po nila sa amin, Your Honor,” aniya. 

Dagdag pa niya, kung hindi sila susunod sa hinihingi ng mga opisyal, binabantaan silang tatanggalin sa proyekto o magkakaroon ng problema sa right of way.

Sa unang affidavit ng mag-asawang Discaya, pinangalanan ang ilang opisyal ng Quezon City na umano’y sangkot sa naturang iskema. Kinumpirma ni Curlee sa pagdinig na ito rin ang mga taong tinutukoy niya, bagamat hindi niya muling binanggit ang mga pangalan.

Kabilang sa mga nabanggit sa affidavit ay sina:

  • Rep. Arjo Atayde 
  • Rep. Marvin Rillo
  • Rep. Marivic Garcia Co-Pilar
  • District Engineer Michael Rosaria ng DPWH Quezon 2nd DEO

Matatandaang mariing itinanggi ni Atayde ang anumang transaksyon sa Discayas. 

“It was a quick 'hi, hello' and picture-taking since it wasn't a planned meeting. It was the first and last time I met with them,” aniya. 

(Mabilisang ‘hi, hello’ lang at picture-taking dahil hindi ito planadong pagkikita. Una at huli ko silang nakasama.)

Sa parehong pagdinig, binawi ni Curlee ang naunang pahayag ng kanyang asawa, si Sarah, na nagsabing nag-bid ang siyam nilang kumpanya sa iisang proyekto. Ayon kay Curlee, nagkamali lang ito sa sagot.

“Kinakabahan lang po siya. Pero sa record po namin, wala po. Wala po naglalabanan,” paliwanag niya. 

Si Sarah ang unang nagsabing may sabayang pag-bid ang kanilang mga kumpanya, na posibleng lumabag sa procurement rules.

Sa simula ng pagdinig, pinatawan ng contempt si Curlee dahil sa magkakasalungat na paliwanag sa hindi pagdalo ng kanyang asawa.

Samantala, nitong linggo, iniutos ng Anti-Money Laundering Council ang pag-freeze ng bank accounts ng mag-asawang Discaya, pati na ng iba pang kontratista ng gobyerno na sangkot umano sa malawakang anomalya sa flood-control funds.

Patuloy ang imbestigasyon ng Senado sa mga proyektong pinondohan ng gobyerno na posibleng ginamit sa korapsyon.

(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)