Senior citizens, tinuruan kung paano makaiwas sa panloloko online
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-18 18:18:09
SETYEMBRE 18, 2025 — Nagtipon ang mga senior citizen, eksperto, at tagapagtaguyod ng digital safety sa isang forum na ginanap noong Setyembre 16 sa Far Eastern University Conference Center upang talakayin ang lumalalang problema ng online scam sa mga senior citizens. Inorganisa ito ng Rappler, katuwang ang Oikonomos Nexus at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), upang bigyang-kaalaman ang mga lolo’t lola sa mga taktika ng panloloko sa internet.
Sa mga talakayan, ibinahagi ng CICC ang mga paraan kung paano matukoy at maiwasan ang iba’t ibang uri ng scam na karaniwang tumatarget sa matatanda. Ayon sa mga tagapagsalita, mahalagang matutunan ng mga senior kung paano suriin ang mga kahina-hinalang mensahe, link, at tawag.
Isa sa mga pinakatumatak sa programa ay ang pagbabahagi ng mga totoong karanasan ng mga senior na nabiktima na ng scam.
“Akala ko totoong kausap ko, yun pala niloko na ako,” kwento ng isang lolo sa harap ng mga kalahok.
Nagkaroon din ng interaktibong aktibidad kung saan pinagsama ang matatanda at kabataan upang lutasin ang mga senaryong may kinalaman sa scam. Sa pamamagitan ng pagtutulungan, nagpalitan sila ng kaalaman kung paano epektibong tumugon sa mga ganitong sitwasyon.
Sa huling bahagi ng forum, isinagawa ang dalawang workshop: “Fact-Checking 101” at “Digital Well-being.” Tinuruan ang mga kalahok kung paano mag-verify ng impormasyon sa social media at kung paano suriin ang kanilang mga device para sa kaligtasan online.
Layunin ng pagtitipon na hindi lamang magbigay ng kaalaman kundi palakasin ang ugnayan ng komunidad sa paglaban sa digital na panlilinlang.
Sa panahon ng mabilis na teknolohiya, mahalagang hindi mapag-iwanan ang mga nakatatanda sa usapin ng proteksyon sa internet.
(Larawan: The Oikonomos Nexus | Facebook)