Diskurso PH
Translate the website into your language:

Gretchen Barretto, humarap sa DOJ; kulang na ebidensya, bribery issue lumutang

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-18 18:41:53 Gretchen Barretto, humarap sa DOJ; kulang na ebidensya, bribery issue lumutang

SETYEMBRE 18, 2025 — Sa gitna ng kontrobersyal na kaso ng mga nawawalang sabungero, personal na dumalo si Gretchen Barretto sa Department of Justice (DOJ) nitong Huwebes upang isumite ang kanyang kontra-salaysay kaugnay sa kasong multiple murder at kidnapping na isinampa laban sa kanya at negosyanteng si Charlie “Atong” Ang.

Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Alma Mallonga, walang sapat na batayan ang mga paratang.

“The reason we’re filing a counter-affidavit right now … based on what we have been saying from the very beginning that we feel that the accusations against her are unsubstantiated, incredible, and there’s every basis for the complaint to be dismissed,” pahayag ni Mallonga. 

(Ang dahilan kung bakit kami nagsusumite ng kontra-salaysay ngayon … mula pa sa simula ay sinasabi naming walang sapat na batayan, hindi kapanipaniwala, at may dahilan para ibasura ang reklamo.)

Sa tanong kung may tiwala ba si Barretto sa imbestigasyon, sagot niya: “I trust.” 

(May tiwala ako.)

Ang reklamo ay kaugnay sa pagkawala ng 34 sabungero mula sa pitong magkakahiwalay na insidente noong 2021 hanggang 2022. Mahigit 60 katao ang isinangkot sa kaso, kabilang si dating NCRPO chief PGen. Jonnel Estomo na dumalo rin sa pagdinig.

Kasama rin sa pagdinig ang whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan at ang kanyang kapatid na si Elakim.

Hindi nakadalo si Ang dahil hindi pa tapos ang kanyang kontra-salaysay. Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Gabriel Villareal, kulang ang mga dokumentong ibinigay sa kanila.

“Marami sa mga respondent, kasama na kami, ay nagrereklamo na yung mga pinadala sa aming papeles ay kulang-kulang,” ani Villareal. 

“Yung pinadala sa aming pitong folder, dapat may kasama na pitong USB. Pitong USB na may lamang data na may relevance sa inaakusa sa mga respondent. Lumalabas kanina na hindi naisama ‘yung pitong USB na ‘yun,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Villareal na inaasahang haharap si Ang sa DOJ kapag handa na ang kanyang kontra-salaysay.

Samantala, inatasan ng panel of prosecutors ang Philippine National Police na magsumite ng mga USB na may kaugnayan sa kaso. Ayon kay Senior Assistant State Prosecutor Charlie Guhit, pinanumpaan muli ng mga complainant ang kanilang salaysay bilang bahagi ng proseso.

“Pag dating ng PI, hindi ipinagbabawal ng rules na panumpaan ulit ng mga complainant ang kanilang sinumpaang salaysay. And in fact, laging ginagawa ‘yan ng mga handling prosecutor para masigurado kung sila ba talaga ‘yung nanunumpa,” paliwanag ni Guhit. 

Itinakda ang susunod na preliminary investigation sa Setyembre 29 at Oktubre 13.

Sa hiwalay na usapin, lumutang ang alegasyon ng tangkang panunuhol kay Jaja Pilarta, isa sa mga complainant at partner ng nawawalang sabungero na si John Claude Inonog. Ayon kay Pilarta, may nag-alok sa kanya na tumigil sa pagdalo sa mga pagdinig at bawiin ang reklamo laban kina Ang at iba pa.

Itinuro ni Villareal si Patidongan bilang nasa likod ng tangkang panunuhol.

“Alam mo kung ako ang gagawa ng ganong operation, palalabasin ko na ang mag be-benepisyo ibang tao … Pagka ayun, natuloy ang aregluhan na ‘yun, ang magbebenepisyo ‘yung mismong akusado,” ani Villareal. 

“Pwede ko, kumbaga, i-camouflage ‘yun, ‘yung motibo ko, para ilalagay ko ‘yung mga pangalan ng ibang tao,” dagdag niya. 

Mariing itinanggi ni Atty. Manuel Ventura, abogado ni Patidongan, ang paratang.

“That’s very impossible [na] ‘yung kliyente ko ‘yung mag bribe nung kaso na ‘yun. Dahil alam naman natin na hindi talaga siya ‘yung mastermind doon. In fact, inabugaduhan siya sa kasong ‘yun ng lawyers coming from Mr. Charlie ‘Atong’ Ang,” giit ni Ventura. 

Itinanggi rin ng kampo ni Barretto ang anumang kaugnayan sa bribery attempt.

Para kay Pilarta, ang tangkang panunuhol ay patunay ng pagkakasangkot ng mga akusado.

“Pinapatunayan lang po noon na meron talagang ano — meron talagang kasalanan ‘yung mga taong mga kinasuhan namin kasi bakit sila mag aareglo ng ganun kung inosente talaga sila,” pahayag niya.

Dagdag pa niya, ang dokumentong ipinakita sa kanya ay may pangalan ng mga respondent.

“Pinatutunayan lang po talaga na merong nangyayaring areglo sa mga ganyang kaso-kaso. Talagang pera po ang pinaplakad nila para maabswelto ang mga nagawa nilang krimen,” ani Pilarta. 

(Larawan: Reddit)