Diskurso PH
Translate the website into your language:

Kampo ni Duterte muling humirit ng kanyang pansamantalang paglaya sa ICC

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-18 17:00:38 Kampo ni Duterte muling humirit ng kanyang pansamantalang paglaya sa ICC

THE HAGUE — Muling naghain ng panibagong kahilingan ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) para sa kanyang pansamantalang paglaya habang patuloy ang pagdinig sa kanyang “fitness to stand trial” kaugnay ng mga kasong crimes against humanity.

Sa dokumentong isinumite sa Pre-Trial Chamber 1 noong Setyembre 16, iginiit ng lead counsel ni Duterte na si Nicholas Kaufman na hindi na makatarungan ang patuloy na pagkakakulong ng dating pangulo dahil sa mga pagkaantala sa proseso. “Mr. Duterte should not remain in detention while proceedings on fitness… are underway. Administrative delay… cannot justify the abrogation of liberty,” saad sa filing.

Binanggit ng depensa na si Duterte, 80 taong gulang, ay nakararanas ng matinding memory lapses at hirap sa pag-alala ng mga pangyayari, lugar, at maging ng mga malalapit na kamag-anak. Dahil dito, iginiit nilang hindi na siya angkop upang humarap sa paglilitis.

Nagpanukala rin ang kampo ni Duterte ng karagdagang kondisyon para sa kanyang pansamantalang paglaya, kabilang ang paglalagay sa ilalim ng mahigpit na superbisyon ng ICC at pakikipagtulungan sa isang bansang handang tumanggap sa kanya habang nagpapatuloy ang mga pagdinig.

Ang pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga paratang ay orihinal na itinakda sa Setyembre 23 ngunit ipinagpaliban ng ICC dahil sa isyu ng kalusugan ni Duterte. Sa kabila nito, nanindigan ang Office of the Prosecutor at ang Office of Public Counsel for Victims na tutulan ang kahilingan, binanggit ang posibilidad ng “flight risk” at ang impluwensya ni Duterte sa politika na maaaring makaapekto sa mga saksi at ebidensya.

Sa kasalukuyan, nananatili si Duterte sa Scheveningen Prison sa The Hague matapos maaresto noong Marso 11, 2025 sa Ninoy Aquino International Airport. Patuloy ang pagbusisi ng ICC sa mga ebidensya at argumento ng magkabilang panig habang inaabangan ang desisyon sa kahilingan para sa pansamantalang paglaya.