Diskurso PH
Translate the website into your language:

Palit-Speaker sa Kongreso, binansagang ‘just for show’ ni VP Sara

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-18 19:03:43 Palit-Speaker sa Kongreso, binansagang ‘just for show’ ni VP Sara

SETYEMBRE 18, 2025 — Hindi pinalampas ni Vice President Sara Duterte ang biglaang pagpapalit ng liderato sa Kamara, na tinawag niyang isang palabas lamang para sa publiko.

“’Yung pagpapalit nila ng Speaker d'yan ay para lang 'yan masabi ng mga tao na meron silang ginawa sa House of Representatives sa reklamo at sa galit ng mga tao. Pero ang totoo niyan ay sila lang din 'yan,” ani Duterte sa panayam ng media sa Davao. 

Matapos bumaba sa puwesto si Leyte Representative Martin Romualdez, pumalit sa kanya si Isabela Representative Faustino “Bojie” Dy III bilang bagong Speaker. Ngunit giit ni Duterte, hindi ito tunay na pagbabago.

“Grupo lang din 'yan ni Martin Romualdez, ni Sandro Marcos, and of course, siyempre, papunta na rin 'yan kay BBM,” dagdag pa niya. 

Binanggit din ng Bise Presidente ang malapit na ugnayan ni Dy kay Isabela Governor Rodolfo Albano, na kaalyado umano ni Romualdez. Para kay Duterte, ang lahat ng ito ay bahagi ng mas malawak na plano para sa 2026 national budget at sa 2028 presidential elections.

“Sila lang din 'yun, sila-sila lang din 'yan, at sila-sila lang din nag-usap kung ano ang gagawin nila, at sila-sila lang din ang nagplano kung anong gagawin nila sa 2026 budget because this is all about the presidential elections of 2028 and the budget of 2026,” aniya. 

Bukod sa Kamara, binatikos din ni Duterte ang Senado, sabay sabing walang direksyon ang kasalukuyang pamahalaan.

“Magulo siya kasi unang-una walang vision, walang direction, walang plano. Nakikita mo puro sila politika at paninigurado na may pera sa bulsa at 'yung election nila sa susunod na darating na election. Ganoon ang makikita mo na ginagawa ng gobyerno,” paliwanag niya. 

(Larawan: Inday Sara Duterte | Facebook)