Diskurso PH
Translate the website into your language:

Sandro Marcos hinikayat si Zaldy Co na umuwi at sagutin ang alegasyon ng katiwalian

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-18 17:04:13 Sandro Marcos hinikayat si Zaldy Co na umuwi at sagutin ang alegasyon ng katiwalian

MANILA — Hinimok ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos si Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na bumalik sa bansa upang personal na harapin ang mga mabibigat na paratang ng katiwalian, kabilang ang umano’y P13 bilyong budget insertions at pagkakasangkot sa mga anomalya sa flood control projects.


Ayon kay Marcos, ang mga akusasyon laban kay Co ay nakakaapekto hindi lamang sa kanyang reputasyon kundi pati na rin sa imahe ng buong Mababang Kapulungan.


“Mas makabubuti kung haharapin ni Congressman Co ang mga alegasyon upang malinawan ang publiko at mapanatili ang kredibilidad ng institusyon,” ani Marcos.


Binanggit din niya na bagama’t may mga proseso at travel authority na aprubado ng Kamara para kay Co, hindi nito inaalis ang pananagutan ng mambabatas sa mga kasong inihain laban sa kanya, kabilang ang mga ethics complaints.


Matatandaang kinumpirma ng Kamara na nasa Estados Unidos ngayon si Co para sa umano’y medikal na paggamot. Mayroon siyang kaukulang travel documents na ipinagkaloob ng Kongreso bago ang kanyang pag-alis.


Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects at budget insertions na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso.