₱870K smuggled cigarettes nasabat ng NBI sa Nueva Ecija
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-16 18:59:49
CABANATUAN CITY — Nasabat ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tinatayang ₱870,000 halaga ng smuggled cigarettes sa isang operasyon sa Nueva Ecija noong Setyembre 9, ayon sa ulat ng ahensya.
Isinagawa ang raid sa pakikipagtulungan ng Bureau of Internal Revenue (BIR), kung saan tatlong search warrants ang ipinatupad sa magkakahiwalay na lokasyon sa lalawigan.
Ayon sa NBI, kabilang sa mga nakumpiskang kontrabando ang 58 kahon ng imported na sigarilyo na walang kaukulang dokumento at hindi dumaan sa tamang buwis. Target ng operasyon ang isang indibidwal na kinilalang si Jonifer M. Lajom, na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa National Internal Revenue Code. Bagama’t wala si Lajom sa lugar nang isagawa ang raid, nakapaghain na ang NBI ng kaukulang reklamo laban sa kanya.
Ang operasyon sa Nueva Ecija ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng NBI laban sa ilegal na kalakalan ng sigarilyo at vape products. Sa hiwalay na operasyon sa Tarlac City noong Setyembre 11, limang katao ang inaresto sa buy-bust operation sa tatlong vape shops, kung saan ₱600,000 halaga ng unregistered vape products ang nasabat. Ang mga suspek ay sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act No. 11900 o ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act.
Ayon sa NBI, ang mga ganitong uri ng operasyon ay mahalaga upang mapigilan ang pagkalat ng mga produktong hindi rehistrado at hindi nabubuwisan, na nagdudulot ng malaking pagkalugi sa gobyerno at panganib sa kalusugan ng publiko.
Patuloy ang imbestigasyon ng NBI upang matukoy kung may mas malawak pang sindikato sa likod ng operasyon, at kung may iba pang lugar sa Central Luzon na ginagamit bilang imbakan o distribusyon ng smuggled goods.