Diskurso PH
Translate the website into your language:

Anti-Agriculture Economic Sabotage Law, isang taon na pero big-time smugglers wla pa ring nakukulong – Sen. Pangilinan

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-16 13:38:00 Anti-Agriculture Economic Sabotage Law, isang taon na pero big-time smugglers wla pa ring nakukulong – Sen. Pangilinan

Seryembre 16, 2025 – Kinuwestiyon ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang tila kawalan ng hustisya laban sa mga nasa likod ng malakihang smuggling ng mga produktong pang-agrikultura, kahit matagal nang umiiral ang mga batas na dapat sana’y pumipigil at nagpaparusa sa ganitong uri ng krimen.


Sa kanyang social media post, binigyang-diin ng senador na bilyon-bilyong halaga na ng agricultural products ang nakukumpiska ng pamahalaan sa iba’t ibang operasyon. Gayunman, nananatiling walang nabibilang na naglalakihang smuggler na nakukulong sa ilalim ng batas.


“Bakit bilyon ang nasamsam, P10 milyon lang ang halaga para maging non-bailable ang kasong economic sabotage pero hanggang ngayon — siyam na taon matapos maipasa ang batas, wala pa ring nakukulong na smuggler sa non-bailable na offense na ito?” mariing tanong ni Pangilinan.


Dagdag pa ng dating mambabatas, kahit isang taon na ang nakalilipas mula nang maisabatas ang Anti-Agriculture Economic Sabotage Law, na mas nagpatibay sa parusa laban sa agricultural smuggling, wala pa ring napapanagot na malalaking sindikato at smugglers.


Binigyang-diin ni Pangilinan na ang epekto ng smuggling ay direktang pinapasan ng mga lokal na magsasaka na nalulugi sa bagsak-presyo ng kanilang ani. Malaki rin aniya ang kontribusyon nito sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain sa merkado, na labis na nagpapahirap sa mga konsumer.


“Kung patuloy na walang napaparusahan sa malalaking smuggler, tila nawawalan ng saysay ang mga batas na ipinasa para maprotektahan ang ating mga magsasaka at ang sektor ng agrikultura,” dagdag pa niya.


Ang Republic Act 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 ay nagtatakda na ang agricultural smuggling na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P10 milyon ay maituturing na economic sabotage, isang non-bailable offense. Noong 2024, higit pang pinalakas ito sa pamamagitan ng Anti-Agriculture Economic Sabotage Law, na layong mas mapabilis ang kaso at mas mapabigat ang parusa sa mga mapapatunayang sangkot.


Sa kabila nito, wala pa ring naipapakitang malinaw na tagumpay ang mga awtoridad pagdating sa pagpapakulong ng malalaking personalidad o sindikatong nasa likod ng ilegal na aktibidad.


Nanawagan si Pangilinan sa mga kinauukulang ahensya gaya ng Department of Justice (DOJ), Department of Agriculture (DA), Bureau of Customs (BOC), at maging sa mga korte, na agarang paigtingin ang kampanya laban sa smuggling at huwag hayaang manatiling malaya ang mga tinutukoy niyang “bigtime” smugglers.


“Kung walang nakukulong, paano natin mapapakita sa ating mga magsasaka na may proteksyon silang maaasahan? At paano natin masisiguro na hindi mababaon sa kahirapan ang ating mga kababayan dahil sa mahal na bilihin?” dagdag ng senador.


Sa ngayon, nananatiling malaking tanong kung kailan nga ba tunay na mapapanagot ang mga malalaking smuggler na aniya’y nagiging dahilan ng mas lalong paglala ng krisis sa agrikultura at pagkain sa bansa.