Diskurso PH
Translate the website into your language:

Assets ng mga indibidwal, kompanyang sangkot sa flood control isyu, may freeze order na!

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-17 08:13:54 Assets ng mga indibidwal, kompanyang sangkot sa flood control isyu, may freeze order na!

SETYEMBRE 16, 2025 — Sa utos ng Court of Appeals, ipina-freeze ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang 135 bank account at 27 insurance policy ng mga indibidwal at kompanyang konektado sa mga iregular na proyekto sa flood control.

Kinumpirma ni AMLC Executive Director Atty. Matthew David nitong Martes, Setyembre 16, na ang freeze order ay tugon sa kahilingan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong Setyembre 12. Hindi ibinunyag ni David ang kabuuang halaga ng mga account, ngunit inatasan ang mga bangko na magsumite ng ulat sa loob ng 24 oras.

“Hindi namin maaaring ilahad ang detalye dahil sa confidentiality clause ng order,” ani David. 

Ayon kay DPWH Secretary Vivencio “Vince” Dizon, ang mga pangalan sa kahilingan ng ahensya sa AMLC ay kapareho ng mga isinampa ng reklamo sa Office of the Ombudsman. Kabilang sa mga opisyal ng DPWH na tinukoy ay sina Henry Alcantara, Brice Ericson Hernandez, Jaypee Mendoza, John Michael Ramos, at Ernesto Galang.

Kasama rin sa listahan ang iba pang tauhan ng DPWH tulad nina Lorenzo Pagtalunan, Norberto Santos, Jaime Hernandez, Floralyn Simbulan, Juanito Mendoza, Roberto Roque, Benedict Matawaran, Christina Mae Pineda, Paul Jayson Duya, Merg Jason Laus, Lemuel Ephraim Roque, Arjay Domasig, John Carlo Rivera, John Benex Francisco, at Jolo Mari Tayao.

Bukod sa mga opisyal, ilang contractor din ang isinama sa freeze order: Ma. Roma Angeline Rimando, Cezarah “Sarah” Rowena Discaya, Pacifico “Curlee” Discaya II ng St. Timothy Construction Corp.; Mark Allan Arevalo ng Wawao Builders; Sally Santos ng SYMS Construction Trading; at Robert Imperio ng IM Construction Corp.

Ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson, ilan sa kanila ay bahagi ng tinaguriang “Bulacan Group of Contractors” o “BGC Boys,” na umano’y kumita ng bilyon mula sa flood control funds mula 2023 hanggang 2025.

Sinabi ni David na patuloy ang imbestigasyon ng AMLC sa mga transaksyong pinansyal ng mga contractor, katuwang ang Ombudsman, Bureau of Internal Revenue (BIR), at National Bureau of Investigation (NBI). 

Dagdag pa niya, “We are also looking into casino transactions.” 

(Tinitingnan din namin ang mga transaksyon sa casino.)

Kasabay nito, nagsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa ilalim ng Anti-Financial Scamming Act (AFASA), kung saan inaatasan ang mga bangko na i-hold ang pondo ng 30 araw.

Matatandaang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na 20% ng P545-bilyong flood control budget ay napunta sa 15 contractor lamang. Tinawag niya itong “disturbing assessment.”

Bilang tugon, binuo ng gobyerno ang Independent Commission for Infrastructure na pinamumunuan ni dating Supreme Court Justice Andres Bernal Reyes Jr., kasama sina dating DPWH Secretary Rogelio “Babes” Singson, SGV managing partner Rossana Fajardo, at Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang special adviser.

(Larawan: AMLC)