Diskurso PH
Translate the website into your language:

DepEd humirit ng dagdag ₱134.5B para sa 2026 budget

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-16 18:59:47 DepEd humirit ng dagdag ₱134.5B para sa 2026 budget

MANILA — Matapang na ipinagtanggol ng Department of Education (DepEd) ang karagdagang hiling nitong ₱134.5 bilyon para sa mga hindi pa napopondohang prayoridad na programa, bukod pa sa ₱928.5 bilyong panukalang budget para sa 2026.

Ginawa ang pahayag sa pagdinig ng Senate Finance Committee sa gitna ng mga tanong ukol sa limitadong fiscal space ng pamahalaan at muling paglalaan ng pondo sa flood control projects.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, hindi sapat ang kasalukuyang budget proposal upang tugunan ang malawak na krisis sa edukasyon, kakulangan sa silid-aralan, at pangangailangan sa kapakanan ng mga guro at mag-aaral. “We have a new wish list totaling P140 billion para kayo na po ang makapili alin yung gusto nyong pondohan dun sa wish list. You have a menu of full options that you can choose from, that you and the members of the committee, Chairman Bam, can also choose from,” pahayag ni Angara.

Batay sa presentasyon ng DepEd, ang “wish list” ay binubuo ng mga malalaking programa na hindi naisama sa National Expenditure Program (NEP). Pinakamalaking bahagi nito ay ang ₱48.9 bilyon para sa konstruksyon at pagkukumpuni ng mga silid-aralan, na katumbas ng 36.3% ng kabuuang halaga. Kasama rin sa listahan ang:

  • ₱20.2 bilyon para sa computerization
  • ₱17 bilyon para sa school-based feeding program
  • ₱15.2 bilyon para sa sahod at benepisyo ng mga guro
  • ₱14.1 bilyon para sa disaster preparedness
  • ₱10.2 bilyon para sa Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) program
  • ₱3.3 bilyon para sa government assistance and subsidies
  • ₱1.9 bilyon para sa health initiatives
  • ₱800 milyon para sa school sports
  • ₱379 milyon para sa inclusive education programs

Samantala, ang ₱928.5-bilyong NEP allocation ay sumasaklaw na sa mga pangunahing programa tulad ng scaled-down ARAL program (₱4.87B), school infrastructure (₱8.36B), non-teaching personnel training and benefits (₱10.35B), at school-based feeding program (₱3.01B).

Bagama’t kinilala ni Angara ang hamon sa paglalaan ng pondo, iginiit niyang ang edukasyon ay nananatiling pangunahing prayoridad ng pamahalaan. “These are the big ticket items comprising the P134 billion,” dagdag niya.

Sinabi naman ni Senate Finance Committee Chair Sherwin Gatchalian na may oportunidad na mailaan ang bahagi ng pondo mula sa flood control projects patungo sa sektor ng edukasyon. “I think we're all in agreement that this flood control should be put into more productive use,” ani Gatchalian.

Patuloy ang deliberasyon sa Senado upang matukoy kung alin sa mga nasa “wish list” ng DepEd ang maaaring pondohan sa ilalim ng 2026 national budget.