Diskurso PH
Translate the website into your language:

DPWH nilinaw ang ‘clerical mistake’ sa P28-M road project sa Valenzuela

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-16 13:13:04 DPWH nilinaw ang ‘clerical mistake’ sa P28-M road project sa Valenzuela

VALENZUELA CITY — Nilinaw ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Metro Manila 3rd District Engineering Office na wala umanong anomalya sa kontratang nagkakahalaga ng mahigit P28 milyon para sa rehabilitasyon ng kalsada at drainage system sa Kaypandan Street, Barangay Canumay West, Valenzuela City.


Ito’y matapos kumalat online ang isang larawan ng project billboard kung saan nakasaad na P48 milyon ang orihinal na halaga ng proyekto, ngunit kalaunan ay napalitan umano ng mas mababang P28 milyon. Nagdulot ito ng pagdududa at agam-agam sa publiko hinggil sa posibleng iregularidad.


“It is being informed that the original contract cost of the said project is P28,884,243.84 only,” pahayag ng DPWH sa isang opisyal na liham na ipinadala kay Valenzuela City 1st District Rep. Kenneth Gatchalian.


Nilinaw ng ahensya na ang nakitang impormasyon sa billboard ay bunga lamang ng isang pagkakamaling panteknikal. “It is being assured that the posted erroneous detail in the DPWH Project Billboard at the site is purely clerical mistake and will be corrected accordingly,” dagdag ng DPWH.


Giit ng opisina, mula’t sapul ay P28 milyon lamang ang aprubadong halaga ng kontrata at walang naging pagbabago o pagbawas sa pondo ng proyekto.


Samantala, tiniyak ng DPWH na kaagad nilang aayusin ang maling detalye sa project billboard upang hindi na magdulot ng kalituhan at maling haka-haka sa publiko. Dagdag pa rito, tiniyak nilang nananatiling transparent ang lahat ng kontrata at proyekto na kanilang ipinatutupad.


Si Rep. Gatchalian naman, na unang nakatanggap ng reklamo at ulat mula sa mga residente, ay inaasahang magbabantay sa pagpapatuloy ng proyekto upang matiyak na tama at maayos itong maisasakatuparan.


Ang proyekto sa Kaypandan Street ay kabilang sa mga itinuturing na pangunahing imprastrakturang dapat matugunan sa lungsod dahil sa mga reklamo ng pagbaha at sirang kalsada. Inaasahang makatutulong ito sa pagpapagaan ng daloy ng trapiko at sa kaligtasan ng mga residente kapag natapos na.