Ex-DPWH Bulacan engineers kinasuhan ng DOTr, LTO dahil sa paggamit umano ng pekeng lisensya
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-16 21:23:19
Seryembre 16, 2025 – Pormal na nagsampa ng reklamo ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Office (LTO) laban sa dalawang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH)–Bulacan First District, matapos umanong umamin ang mga ito na gumamit ng pekeng driver’s license para makapasok sa mga casino.
Kinilala ang mga kinasuhan na sina dating District Engineer Henry Alcantara at dating Assistant District Engineer Brice Hernandez. Sila ay sinibak sa puwesto dahil sa isyu ng maanomalyang flood control projects, at ngayon ay nasasangkot muli sa panibagong kontrobersiya.
Ayon kay DOTr Secretary Giovanni Lopez, ang kaso ay isinampa para sa paglabag sa Article 172 ng Revised Penal Code o pamemeke ng dokumento.
“Hindi nila itinanggi na ginamit nila ang mga lisensiya, at iyon ay isang krimen. Hindi natin hahayaan na lapastanganin ninuman ang lisensya ng DOTr at LTO, mapa-opisyal o pribadong indibidwal,” pahayag ni Lopez.
Dagdag pa ng kalihim, patuloy ang imbestigasyon at posibleng madamay din ang iba pang tinaguriang “BGC Boys” at umano’y supplier ng mga pekeng ID.
“Sa aming pagsusuri, ito po ay peke. Kailangan din naming imbestigahan ang iba pang sangkot. Inuna lang namin sila Alcantara at Hernandez,” ani Lopez.
Kapag napatunayang nagkasala, posibleng maharap ang dalawa sa anim na taong pagkakakulong at multang hanggang P1 milyon.
Ang reklamo laban kina Alcantara at Hernandez ay dagdag na dagok sa mga dating opisyal, na una nang iniimbestigahan kaugnay ng anomalya sa flood control projects sa Bulacan.
Larawan mula sa Senate Blue Ribbon Hearing