Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Hybrid bus carousel’ sa Commonwealth, pinag-aaralan ng DOTr

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-16 18:05:22 ‘Hybrid bus carousel’ sa Commonwealth, pinag-aaralan ng DOTr

SETYEMBRE 16, 2025 — Pinag-aaralan ngayon ng Department of Transportation (DOTr) ang posibilidad ng paglalagay ng “hybrid bus carousel” sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City, bilang tugon sa matinding hirap ng mga commuter sa lugar.

Ayon kay DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez, inatasan niya ang road sector ng ahensya na bumuo ng plano sa loob ng dalawang linggo para sa panukalang sistema. 

“Inutos po natin kahapon sa ating road secto,r pag-aralan na rin kung puwede naming gawing hybrid carousel dito sa Commonwealth,” ani Lopez. 

Ang konsepto ng hybrid carousel ay hango sa kasalukuyang EDSA Bus Carousel, isang eksklusibong linya ng bus mula Monumento hanggang PITX. Ngunit sa Commonwealth, posibleng pagsamahin ang dedicated lane at regular traffic flow, depende sa resulta ng pag-aaral.

Bago ang anunsyo, sumakay si Lopez ng pampublikong sasakyan sa Commonwealth upang maranasan mismo ang sitwasyon ng mga commuter. 

“Talagang napakahirap po, at talagang nakakapagod. At kung puwede ko pong sabihin, isang parusa po, parang parusa po ang pagco-commute araw-araw,” aniya. “Dito pa lang po yan sa may Commonwealth.” 

Dagdag pa niya, kinakailangan na ng “drastic measures” upang mapabuti ang sistema ng transportasyon sa lugar. 

“Kailangan may sistema, kailangang magdagdag ng pampublikong sasakyan,” giit ni Lopez. 

Bilang bahagi ng inisyatiba, inutusan ni Lopez ang mga opisyal ng road at rail sector ng DOTr na gumamit ng pampublikong transportasyon isang beses kada linggo upang mas maunawaan ang kalagayan ng mga pasahero.

(Larawan: Reddit)