Diskurso PH
Translate the website into your language:

Libreng sakay sa gitna ng tigil-pasada ngayong linggo, kasado na

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-16 11:22:16 Libreng sakay sa gitna ng tigil-pasada ngayong linggo, kasado na

SETYEMBRE 16, 2025 — Magkakaroon ng libreng sakay sa iba’t ibang bahagi ng bansa mula Setyembre 17 hanggang 19 bilang tugon ng gobyerno sa transport strike na ikinasa ng mga grupong Manibela at Piston.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), handa na ang mga ahensyang katuwang nito sa paglalatag ng alternatibong transportasyon para sa mga maaapektuhang pasahero. Kabilang sa mga magbibigay ng libreng sakay ang Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Ports Authority (PPA), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at ilang lokal na pamahalaan.

“Linggo pa lang nakapagpahanda na kami. Ang ating PCG, PPA, at road sector, may mga libreng sakay na tayo,” pahayag ni DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez. 

“Nakausap ko rin po si MMDA chairman Don Artes at kami po ay nagpapasalamat na sila ay magbibigay din ng mga libreng sakay. Nakahanda na po kami,” dagdag pa niya. 

Tiniyak din ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na may sapat na hakbang upang hindi ma-stranded ang mga pasahero. 

Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, may koordinasyon na sa mga ahensyang tulad ng DOTr, MMDA, at mga lokal na pamahalaan para sa deployment ng mga sasakyang gobyerno, military trucks, bus, at modernong PUV.

“The planned transport strike on September 18 will not cripple public mobility. Government agencies are fully prepared to mitigate any inconvenience to the riding public,” ani Guadiz. 

(Ang planong tigil-pasada sa Setyembre 18 ay hindi makapipinsala sa pampublikong paggalaw. Handa ang mga ahensya ng gobyerno na bawasan ang abala sa mga pasahero.)

Ang transport strike ay bahagi ng protesta ng Manibela mula Setyembre 17 hanggang 19, habang isang araw na kilos-protesta naman ang isasagawa ng Piston sa Setyembre 18. Kapwa grupo ay nananawagan ng pag-alis sa excise tax at value-added tax sa produktong petrolyo, bukod pa sa panawagan ng masusing imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa pamahalaan.

Bagama’t kinikilala ng LTFRB ang karapatan ng mga tsuper na magpahayag ng saloobin, umaasa ang ahensya na mananatili sa kalsada ang karamihan sa mga yunit ng pampasaherong sasakyan upang hindi maantala ang biyahe ng publiko.

(Larawan: Philippine News Agency)