Diskurso PH
Translate the website into your language:

OVP naglatag ng ₱902.9M panukalang pondo para 2026

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-16 14:08:03 OVP naglatag ng ₱902.9M panukalang pondo para 2026

Setyembre 16, 2025 – Nagprisinta ang Office of the Vice President (OVP) ng panukalang ₱902.895 milyong budget para sa fiscal year 2026 sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Appropriations nitong Martes.


Personal na dumalo si Vice President Sara Duterte upang ilahad sa mga mambabatas ang breakdown ng pondo at bigyang-diin ang mga pangunahing programang patuloy na susuportahan ng kanyang tanggapan. Kabilang dito ang medical at burial assistance, educational support, livelihood aid, at iba pang serbisyong direktang nakatutulong sa publiko.


Ipinaliwanag ng OVP na layunin ng pondo na mapanatili ang mga kasalukuyang serbisyo at palawakin ang abot ng kanilang assistance programs, lalo na sa mga mahihirap at marginalized sectors.


Bagama’t halos tatlong beses na mas mababa ito kumpara sa mahigit ₱2 bilyong pondo ng OVP noong 2023, sinabi ng tanggapan na sapat ang halagang kanilang hinihiling upang maisakatuparan ang mga pangunahing serbisyo nang hindi makokompromiso ang transparency at accountability.


Matatandaang naging sentro ng diskusyon at batikos sa mga nakaraang taon ang confidential at intelligence funds na unang isinama sa budget ng OVP. Kalaunan ay tinanggal din ito matapos ang pagtutol ng ilang mambabatas at masusing pagbusisi ng Kongreso. Sa kasalukuyan, wala pang indikasyong muling maglalagay ng confidential funds sa 2026 budget proposal ng tanggapan.


Samantala, ilan sa mga miyembro ng appropriations panel ang nagpahayag ng interes na busisiin ang mga detalye ng alokasyon upang masiguro na ang bawat pisong ilalaan sa OVP ay mapupunta sa mga proyektong may malinaw at direktang pakinabang sa publiko.


Patuloy ang deliberasyon sa Kamara at inaasahang makakaranas pa ng dagdag na pagtatanong ang OVP hinggil sa kanilang paggamit ng pondo, lalo na sa gitna ng mahigpit na fiscal space ng pamahalaan.


Larawan mula sa Office of the Vice President